P42,000 kada buwan minimum na sahod ng public school teachers, isinusulong

Imahe mula sa Front Page 101

Kung nais na mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan sa bansa, nararapat na dagdagan ng pamahalaan ang ipinasasahod sa mga guro.

Umapela si Senator Sonny Angara sa gobyerno na bigyan ng makatwirang pay increase ang mga public school teachers dahil, aniya, ang de-kalidad na edukasyon ay nagmumula sa mga de-kalidad na guro. At upang magkaroon ng de-kalidad na mga guro, kinakailangang pasahurin sila nang maayos.

Sa isang  press release na inilathala sa Senate of the Philippines website, sinabi pa ni Senator Angara na sigurado siya na hindi pera ang pinakamahalagang motibasyon ng mga tagapagturo dahil marami sa kanila ang dedidako at nagmamahal sa kanilang ginagawa.

Public domain image

Subalit hindi naman mga martir ang mga ito kaya dapat silang bigyan ng pagpapahalaga ng lipunan at ng nararapat na kabayaran.

Sa pagpasok ng taong 2019, magugunitang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na itataas niya ngayong taon ang take-home pay ng mga public school teachers matapos ang ginawa niyang pagdoble sa sinasahod ng mga militar at pulis.

Imahe mula sa UNTV

Hindi naman nabanggit ng Presidente kung magkano ang pagtaas ng sahod na ibibigay niya sa mga guro, pero iyon ay bukod pa raw sa fourth at last tranche ng salary increases para sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan na ipatutupad ngayong 2019.

Umaasa naman si Angara na ang adjustment sa suweldo na ibibigay sa kanila ay katumbas o malapit sa rate na isinusulong niya simula pa noong 2016 nang isumite niya ang Senate Bill number 135 o ang “An Act Upgrading The Minimum Salary Grade Level of Teachers from Salary Grade 11 to 19.”

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Sa ilalim ng panukalang-batas, ang current monthly base pay na P20,179 ay itataas sa P42,099.

“Our teachers are considered to be the heart of the educational system. The government needs to give priority to their welfare and interests. Definitely, this would lead to an improvement in the quality of education in our public school system,” ani Angara.