Ordinansa sa pagbabawal sa pagsusuot ng sobrang ikling shorts, nilinaw ng Mayor ng Caloocan




Larawan mula sa Wikimedia Commons

Binigyang-linaw ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang mga naunang ulat tungkol sa Ordinansa 439 o ang “Caloocan City Dress Code in Public Places” sapagkat nabigyang-diin lamang ang pagbabawal sa mga kababaihan ng lungsod na magsuot ng maiikling shorts.

Maraming netizens sa Facebook ang nagpuyos ang damdamin at agad na naglabas ng mga saloobin hinggil sa ordinansa. May ilan din ang iniugnay ang pagbabawal ng sobrang ikling shorts sa mababang pagtingin sa mga kababaihan sapagkat binibigyang-diin dito na kasalanan pa ng babae kung siya ay mabastos dahil sa kanyang pananamit (at hindi kasalanan ng nambastos).

Maraming netizens sa Facebook ang nagpuyos ang damdamin at agad na naglabas ng mga saloobin hinggil sa ordinansa. May ilang netizens din ang iniugnay ang pagbabawal ng sobrang ikling shorts sa mababang pagtingin sa mga kababaihan sapagkat binibigyang-diin dito na kasalanan pa ng babae kung siya ay mabastos dahil sa kanyang pananamit (at hindi kasalanan ng nambastos).

Screenshot ng isang komento sa Facebook

Ayon sa paliwanag ni Malapitan sa isang Facebook post, hindi sa kaniyang panahon ng panunungkulan naaprubahan ang Ordinansa 439; bagkus ito ay ipinasa ng isang konsehal at napagtibay bilang kautusan ng Sangguniang Panlungsod ng Caloocan noong 2007.

Nakasaad sa ordinansa kung ano ang “angkop” at “katanggap-tanggap” na paraan ng pananamit sa mga pampublikong lugar sa lungsod. Ipinagbawal din sa mga tindero at tindera sa mga pampublikong pamilihan sa lungsod ang paghuhubad ng pang-itaas (sa mga lalaki) o pagsusuot ng sleeveless na damit (sa mga babae), maging ang pagsusuot ng marumi o tagpi-tagping damit at sirang tsinelas ay ipinagbabawal din.

Screenshot ng Facebook post ni Mayor Oscar Malapitan

Nilinaw ni Malapitan na ang “dress code” ay isang kahingian o kailangang gawin ng mga mamamayan ng Caloocan – anuman ang kanilang kasarian – lalo na sa mga opisina ng lokal na pamahalaan upang maging disente at kaaya-aya silang tingnan. Pero hindi naman daw nila ipinagbabawal ang pagsusuot ng shorts.

Ipinaliwanag din ni Malapitan na dahil hindi sa kanyang termino naaprubahan ang ordinansa ay nais niyang atasan ang kanyang mga konsehal na ipaliwanag at i-update ang nasabing ordinansa. Binigyang-diin din ni Malapitan na nais pa nga niyang mapawalang-bisa na ito.

Sa isyu ng misogyny at victim blaming, naninindigan si Malapitan sa pantay na pagtingin sa mga karapatan at kalayaan ng mga kababaihan. Naninindigan din siya na ang lahat ng babae ay nararapat na respetuhin kahit ano pa ang suot nito. Hinikayat din niya ang mga biktima ng harassment na tumayo at manindigan para sa kanilang sarili.