#MMKDiplomaSaSelda: Kilalanin ang stage actor na si Vance Larena

Mga imahe mula sa Instagram account ni Vance Larena

Nag-trending at pinag-usapan ang episode ng “Maalaala Mo Kaya” noong Sabado, Marso 23, 2019 na may hashtag na #MMKDiplomaSaSelda dahil sa itinampok na buhay ng isang lalaking naging biktima ng kahirapan sa murang edad pa lamang, naligaw ng landas, nabilanggo, subalit patuloy na nangarap at nakapagtapos ng high school sa loob ng bilangguan.

Maraming napatanong at napahanga ang baguhang aktor na gumanap bilang “Victorio”, dahil bukod sa bago ito sa paningin, mahusay itong umarte at kakaiba rin ang karisma nito.

Ang aktor na gumanap bilang Victorio ay si “Vance Larena”, isang stage actor. Simula nang lumabas siya sa pelikulang “Bakwit Boys” ay nagtuloy-tuloy na ang kanyang mga proyekto, lalo na sa telebisyon.

Mga imahe mula sa Instagram account ni Vance Larena

Bukod sa TV guestings, pagbibidahan ni Vance ang musical play na K4nser ni Direk Frannie Zamora ng Gantimpala Theater Foundation. Bibida rin siya sa “San Vicente” ng Philippine Stagers Foundation ni Direk Vincent Tañada.

Matapos ang MMK episode, nagpaabot ng pasasalamat si Vance sa mga boss, direktor, kaibigan sa media at showbiz, at mga kapamilya sa pamamagitan ng isang Instagram post dahil sa mainit na pagtanggap ng mga televiewers at netizens sa kanyang makabagbag–damdaming pagganap, kahit na siya ay maituturing na baguhan pa lamang sa showbiz.

“Maraming salamat po sa panonood ng #MMKDiplomaSaSelda! Maraming salamat po sa pagmamahal! Ako po yun. Hehe Kay Ma’am Charo Santos, sa MMK, sa RSB Drama Unit, kay Direk Bayani, sa inyong katapangang sumugal sa aking talento at sa patuloy na pagtitiwala. Kina Direk Elfren Vibar and whole prod team. Sa aking T-REX Artists family. Sa lahat ng aking mga kaibigan at pamilya, friends from the media and showbiz, na patuloy na sumusuporta. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat!!! PS. Hindi ko po kayo maisa-isa pumuputok po ang notifs ko.”

Ito rin daw ang naging pinakamalaki at pinakamapanghamon niyang papel.

“My biggest and most challenging role. To all my friends, family, and supporters, sana makanood kayo…”

Mga imahe mula sa Instagram account ni Vance Larena

Umani ng iba’t ibang papuri sa mga netizens ang acting prowess ni Vance. Sana raw ay bigyan pa siya ng iba’t ibang proyekto sa telebisyon at pelikula.

“You really did great sa MMK episode last night! Congratulations! You are my new crush!”

“We watched MMK last night, and so ganda. Nakakaiyak. Hinanap po agad kita. And yun fangirl na ko. Keep up the good work.”

“Napakahusay mo. Sana sumikat ka nang husto.”

“After watching MMK, I searched your IG and started following you. Superb acting!”

Si Vance Larena ay kabilang sa cast ng pinakabagong daytime teleserye na “Nang Ngumiti Ang Langit” sa ABS–CBN Kapamilya Network na nagsimula na nitong Marso 25, 2019, bago ang “It’s Showtime”.

Imahe mula sa Instagram account ni Vance Larena