Mga senior citizens na may kakayahan pa, dapat bigyan ng trabaho

Imahe mula sa Philippines Now

Ang mga senior citizens na retirado na subalit nagnanais na muling makapagtrabaho upang magkaroon ng pagkakakitaan ay dapat bigyan ng trabaho. Ito ang isinusulong ni Senator Sonny Angara.

Ayon sa kanyang press release na inilathala sa official website ng Senate of the Philippines, sinabi ni Angara na bukod sa pagbibigay sa kanila ng mas malaki at mas pinalawak na social pension, ang mga matatanda sa ating bansa ay dapat na mabigyang muli ng employment opportunities nang sa gayon ay maging produktibo pa sila sa kanilang edad at  upang hindi mabaon sa kahirapan.

Anang senador, maraming mga senior citizens na ang edad ay nasa pagitan ng 60 at 70 ang malalakas pa at handa pang magtrabaho upang magkaroon ng pagkakakitaan.

Public domain image

“Senior citizens who have the capacity and desire to work or be re-employed can have a shot at getting jobs again so they can live a life of dignity and empowerment,” ani Sonny Angara.

Binigyang-diin ni Angara na ang isa sa pinakamalaking problema na kinahaharap ng mga senior citizens ay ang kawalan ng financial security dahil karamihan sa kanila ay walang pinagkakakitaan at umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga anak at sa kakaunting perang naipon nila.

Imahe mula sa Money Max

Nanawagan siya sa pamahalaan, gayundin sa pribadong sektor na sana ay bigyan ng hanapbuhay ang mga nakatatanda lalo na kung may kakayahan pa silang magtrabaho.

“Dapat ka-partner natin ang gobyerno sa paghahanap ng trabaho para sa mga seniors sa pribado man o pampublikong sektor. We are known as a caring society especially when it comes to our elderly. I appeal to the compassion of the private sector as well as our LGUs to provide work to our senior citizens,” anang re-electionist senator.