Mga OFW families masaya sa mataas na palitan ng piso kontra dolyar

Imahe mula sa The Filipino Times

Tinatayang aabot sa mahigit sampung milyon ang mga overseas Flipino worker families sa bansa ang nakikinabang sa paghina ng piso kontra sa US dollar. Mas malaki kasi ang palitan ng piso kada dolyar sa kasalukuyan.

Ngayong ika-21 ng Marso, ang halaga ng piso ay umabot na sa P52.88 kada isang US dollar kaya naman inaasahang sasamantalahin ito ng mga OFW na magpadala ng mas maraming dolyar sa kanilang pamilya sa bansa upang makinabang sa magandang exchange rate.

Ayon sa Business World, inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagtaas ng cash remittances mula sa mga OFWs dahil sasamantalahin ng mga ito ang paghina ng piso. Tinatayang aabot sa $29 billion ang cash remittances mula sa mga OFWs ngayong taon.

Imahe mula sa Radyo Pilipinas

Sa isang ginang na nakapanayam  ng ABS-CBN, nakakadagdag umano sa kanilang monthly budget ang mataas na palit sa dolyar na ipinapadala ng kanyang mister na isang seaman.

Isang ekonomista, si Calixto Chikiamco, ay nagsabi na hindi masama ang mahinang piso. Magiging masama lang daw ang mahinang piso kung malaki ang inflation.

“Hindi masama na mahina ang peso, ‘no. Magiging masama ‘yan kung malaki ang inflation,” ani Chikiamco.

Sabi pa niya, ang paghina ng piso ay mangangahulugan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong imported na maaaring maging pabor sa mga local producers dahil malaki ang posibilidad na sa halip na bumili ng mahal na imported goods ay ang mas murang locally-manufactured goods na ang bibilhin.

At kapag lumakas naman ng piso ay maaaring maapektuhan ang business process outsourcing companies na kumikita ng dolyar at ang turismo ng bansa dahil magiging mas mahal na para sa mga foreign tourists ang pagpasyal sa Pilipinas.

Kung patuloy na hihina ang piso kontra dolyar ay posible umanong umbot sa P54 ang halaga ng piso kontra sa US dollar bago matapos ang taong 2019, ayon sa Fitch Solutions Macro Research.