Mga kandidata ng Binibining Pilipinas 2019, nagpakitang gilas sa talent competition

Larawan mula sa Binibining Pilipinas Facebook page

Malaki ang pressure sa mga kandidata ng Binibining Pilipinas 2019 dahil sa nagawang tagumpay ng mga reigning queens nito, kabilang na ang Ms. Universe 2018 Catriona Gray.

Kaya naman all-out ang labimpito sa apatnapung kandidata ngayong 2019 sa ginawang talent portion sa New Farmers Plaza, Quezon City.

Larawan mula sa Binibining Pilipinas Facebook page

Iba-ibang uri ng talento ang ipinakita ng mga Binibini candidate sa live audience nila sa nasabing mall — may sumayaw, kumanta at gumawa ng artwork on the spot.

Ipinakita nina Hannah Arnold ng Masbate, Samantha Bernardo ng Palawan, April Short ng Zamboanga City, at Emma Tiglao ng Pampanga ang yaman ng kultura ng bansa sa pamamagitan ng folk dances.

Nagpamalas din ng angking galing sa belly dancing ang mga kandidatang sina Jessarie Dumanguing mula sa Puerto Princesa, at Gazini Ganados ng Talisay, Cebu; modern dancing naman ang talento ni Larah Grace Lacap ng Quezon City, habang ballet dancing naman ang ipinakita ni Cassandra Colleen Chan ng Bacolod City.

Larawan mula sa Binibining Pilipinas Facebook page

Literal na kuminang naman si Francia Layderos ng Libon, Albay nang ipamalas niya ang husay sa glitter painting, habang nagpinta naman si Denise Omorog ng Catanduanes gamit ang paint spray.

Doble-dobleng talento naman ang naging presentasyon ni Mary Grace Murphy dahil kumanta at sumayaw ang pambato ng Tarlac.

Pagkakaisa naman ang nais iparating ni Dia Nicole Magano ng Butuan sa kanyang interpretative dance na may temang Christian at Muslim.

Bumirit naman ang ilang kandidata tulad nina Alannis Binoya ng Batangas na nag-Beyonce medley; si Marie Sherry Ann Tormes ng Albay ng inspirational song na “I Believe”; at sweet ballad naman sina Sigrid Grace Flores ng Iloilo at Malka Shaver ng Zamboang Sibugay.

Larawan mula sa Binibining Pilipinas Facebook page

Nagsilbing host ng talent portion ng Binibining Pilipinas 2019 si Miss Globe Philippines 2018 Michele Gumabao.

Hurado naman sina Miss Intercontinental Karen Gallman, Bb. Plipinas Miss Internationa Athisa Manalo, at Bb. Pilipinas Miss Grand Internation Eva Patalinhug.

Gaganapin ang coronation night ng Binibining Pilipinas 2019 sa June 9.