Katutubong Umayamnon, nagtapos ng engineering bilang cum laude




Imahe mula sa Pixabay / Diwangan Facebook

Ipinagmamalaki ngayon ng kanyang mga ka-tribung Umayamnon ang 22-anyos na si Jession Diwangan dahil ito ay nakapagtapos ng BS Electronics Engineering bilang cum laude sa Xavier University ­– Ateneo de Cagayan.

Isa si Diwangan sa mapapalad na kabataan na nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo bilang iskolar ng Department of Science and Technology (DOST).

Si Jession Diwangan sa kaniyang profile picture sa Facebook

Sa report ng ABS-CBN News, sinabi ni Diwangan na limang taon na ang nakararaan nang pumasok siya sa unibersidad nang hindi man lang alam kung paano magbukas ng computer. Nanibago rin siya sa klima at pamumuhay sa siyudad kaya hindi niya inaasahan na magtatagumpay.

“Hindi ko talaga alam ang gagawin kasi nanibago ako sa siyudad, nanibago ako sa klima at lifestyle ng mga tao. Kaya hindi ko ine-expect na may ma-achieve akong something,” sabi niya sa interbyu.

Ayon naman kay Richel Petalcurin, dating moderator ng isang university-based organization na tumutulong sa mga kapus-palad ngunit mahuhusay na estudyante sa high school, na limang taon na ang nakalilipas nang una niyang makilala si Diwangan at noon pa lang ay nakita na niya ang determinasyon ng binata sa pag-aaral nito kaya hindi na siya nagulat nang nakapagtapos ito nang may parangal.

Naibahagi rin ni Petalcurin na sila pa nga sa organization ang gumawa ng Gmail account ni Diwangan para lang maipasa nito ang lahat ng requirements na kailangan sa kolehiyo.

Maligaya naman ang ina ni Diwangan na si Nanay Gina dahil sa natamong tagumpay ng anak. Hindi rin nito inakala na makakapunta siya sa siyudad at makakaakyat ng entablado upang sabitan ng medalya ang anak.

Hiling din ni Nanay Gina na magsilbi sanang inspirasyon sa mga kabataan sa kanilang tribu ang pagpupunyagi sa pag-aaral ng kanyang anak. Marami kasing kabataan sa kanilang tribu ang hindi na itinutuloy ang pag-aaral sa kolehiyo dahil sa kahirapan.

Dumalo ang mag-ina sa graduation rites na suot ang kanilang katutubong kasuotan.

Kababihan mula sa Tribu ng Umayamnon (Larawan mula sa Umayamnon tribe -Philippines)

Ang mga katutubong Umayamnon ay naninirahan sa tabi ng Ilog Umayam sa Bulubundukin ng Pantaron sa silangang bahagi ng Bukidnon.

Samantala, sunod namang paghahandaan ni Diwangan ang kanyang pagre-review para sa electronics engineering board examination sa Cebu City.