Karylle, tumapak muli sa bakuran ng GMA 7 matapos ang 11 taon




Larawan mula sa Instagram ng Tonight with Arnold Clavio

Tila bumalik sa kanyang kaharian ang orihinal na nagmamay-ari ng brilyante ng tubig na si Karylle nang makita siyang muli ng kanyang mga fans sa GMA 7 para sa i-promote ang kanyang bagong pelikula.

Hindi man nagbabalik Kapuso si Karylle, mainit pa rin ang naging pagtanggap ng GMA News and Public Affairs sa ginawang guesting nito sa Tonight with Arnold Clavio kasama ang iba pang orihinal na sang’gre ng Encantadia na sina Diana Zubiri at Sunshine Dizon.

Larawan mula sa Facebook page ng Tonight with Arnold Clavio

Highlight ng guesting ni Karylle sa show ni Arnold Clavio ang pag-awit nito ng theme song ng iFlix movie nilang ‘Mystified’ na pinamagatang ‘Simula.’

Maraming fans ni Karylle ang masayang makitang muling mag-perform ang singer sa GMA kung saan siya nagsimula, partikular na sa defunct variety show na SOP.

Game na game ding sinagot ni Karylle ang mga tanong ni Arnold Clavio kabilang na ang nais nitong gayahing tao — si Aquaman, na hindi nalalayo sa role niya bilang Alena sa orihinal na bersiyon ng Encantadia.

Nasubukan din ang galing ng tatlong aktres nang sumalang sila sa Mystery Food challenge kung saan hinulaan nila ang mga pagkain gamit ang kanilang pang-amoy.

Naging trending topic din sa Twitter ang guesting nina Karylle na may official hashtag na #TWACMagicalNight at nagpahayag ng saloobin ang mga fans niya na napapanood siya sa isang guesting sa dati niyang home network.

“Kala ko namalikmata lang ako. Andun si Ms Karylle pag-tune in ko sa Channel 11. Kala ko mali channel ko,” tweet ng isang netizen.

Mayroong ikalawang bahagi ang guesting nina Karylle, Zubiri, at Dizon sa show ni Clavio sa darating na Abril 3 bilang bahagi pa rin ng promotion ng kanilang pelikulang ‘Mystified’ na reunion project nila ng mga kasama sa 2006 edition ng Encantadia, kabilang ang direktor na si Mark V. Reyes.

Larawan mula sa Instagram account ni Karylle

Lumipat si Karylle noong 2008 sa ABS-CBN dahil diumano’y gusto nitong lumayo sa ex-boyfriend na si Dingdong Dantes.

Ngunit sinabi ni Karylle sa isang pahayag sa ABS-CBN News na career growth daw ang dahilan niya kaya lumipat ng estasyon at hindi ang kung ano pa mang rason.

“It’s a lot of different things, kasi tingin ng ibang tao, feeling nila ‘yun lang ang dahilan. Pero more than anything else, it’s a career decision,” sabi ng aktres.