“Kakayanin Kaya” music video ni Maymay, humakot ng views




Imahe kuha mula sa YouTube

Sa loob ng dalawang taon mula nang maging grand winner sa pinakamahabang season sa kasaysayan ng Pinoy Big Brother, napakarami nang pinto ang nagbukas para kay Marydale Entrata, na higit na kilala bilang Maymay Entrata.

Ang actress, singer, composer, at model – na itinanghal bilang unang Filipina personality na nakarampa sa Arab Fashion Week – ay tila hindi na mapipigilan ang mga oportunidad na patuloy na dumarating sa kanya. Kabi-kabilaan ang mga proyekto at events ng multi-talented celebrity na lubos namang sinusuportahan ng kanyang mga masusugid na followers.

Sa katunayan, iilang linggo pa lamang mula nang inilabas ang kanyang solo na awitin na “Kakayanin Kaya” at ilang araw pa lamang nai-upload sa YouTube ay umabot na ito sa halos 1.5 million views at umani na ng mahigit 10,300 comments.

Ang awitin na ito ay kabilang sa pangalawa niyang album.

Mga imahe mula sa Wikipedia / YouTube

Ayon kay Maymay, ang “Kakayanin Kaya” ay para sa mga taong nahihirapang umamin sa nararamdaman para sa isang kaibigan.

Aniya sa isang panayam, “Para siya sa lahat ng mga MU or best friend na may feelings na hindi masabi-sabi o naguguluhan sila.”

Ang kanyang love team partner na si Edward Barber ng MayWard ang tampok sa kanyang music video bilang kaibigan na lihim niyang minamahal ngunit may iba itong kasa-kasama na bagong kamag-aral.

Umani ng papuri ang kanyang music video.

“Voice, Looks, Acting Skills are perfect! A beautiful song, came from a beautiful person! That’s Maymay :)”

Panoorin ang buong official music video na umabot na sa halos 1.5 million views sa YouTube channel ng ABS-CBN Star Music.

Samantala, inilabas na rin ng ABS CBN Star Music ang unang single ni Edward, ang “No One Else” kasabay ng “Kakayanin Kaya” ni Maymay.

Ayon sa mga komento ng kanyang followers, ang tinig ni Edward ay “very soothing and classical jazz”.

“Congrats Edward your voice reminds me of an American legend during the sixties.”