Jordan Clarkson sa balitang makalalaro siya sa FIBA World Cup: “I hope to”

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Sa muling pagtungtong ng Pilipinas sa FIBA World Cup ngayong taon, maliban sa puwersang nagbigay sa kanila ng pagkakataong makaharap ang pinakamagagaling na koponan sa buong mundo, inaasahan ng Team Pilipinas na muling makapaglalaro para sa kanila ang Filipino-American NBA player na si Jordan Clarkson.

Gayunman, hindi pa sigurado ang Cleveland Cavalier player kung mapapasama siya sa Gilas Pilipinas ngunit buo ang pag-asa niyang matutupad ito.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Sa isang panayam ni Clarkson kay Stevie Angeles ng ABS-CBN Sports, sinabi ni Clarkson wala pang kompirmasyon sa pagsali niya sa FIBA World, at maging siya ay naghihintay rin sa magandang balitang ito.

“I don’t know yet. Just stay tuned. I hope to,” pahayag ni Clarkson na sumalang sa Pilipinas noong Agosto para sa Asian Games na ginanap sa Jakarta, Indonesia.

“Let’s just be ready. We’re going there trying to win and do a good job. I know a few teammates playing in the world cup as well, so hopefully we got some wins over them and do what we gotta do,” dagdag ni Clarkson.

Nitong Pebrero lamang, nang mag-qualify ang Pilipinas para sa FIBA World Cup, nag-post si Clarkson sa kanyang Instagram account ng pagbati sa kanyang teammates at isang pahiwatig na game pa rin siyang maging bahagi ng Team Pilipinas.

“Congrats to my bros and the country. Such an honor for the country qualifying for the World Cup. So hyped. Hope to see you guys in China!” post ni Clarkson kalakip ang isang larawan niyang suot ang jersey ng Gilas Pilipinas.

Larawan mula sa Instagram account ni Jordan Clarkson

Sa pagsali ni Clarkson sa Team Pilipinas noong Asian Games, nakuha ng bansa ang ikalimang puwesto sa torneo, at nakapagtala ng 26 points average, kasama ng 6.5 rebounds, 5.5 assists, at 46.0% shooting efficiency.

Inaasahang sa mga susunod na buwan ay opisyal nang magbibigay ng pahayag ang kampo ni Clarkson kung magiging bahagi ba siya ng Team Pilipinas dahil sa Agosto na ang FIBA World Cup kung saan makakaharap ng Pilipinas ang Serbia, Angola, at Italy.