Isandaang libong Pinoy workers kailangan sa Japan simula Abril

Imahe mula sa Tokyo Treat

Sa 350,000 foreign workers na kailangan ng Japan para sa iba’t ibang industriya, inaasahang maibibigay sa mga Pilipino ang 100,000 na trabaho. Ito ay ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.

Sa ulat ng GMA, nagbigay umano ng pahayag si Sec. Bello na 100,000 Pilipinong manggagawa ang kakailanganin sa sari-saring larangan sa Japan simula sa Abril ng kasalukuyang taon.

Sa Martes, ika-19 ng Marso, ay nakatakdang lumagda sa isang memorandum of cooperation ang DOLE at ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng Japan kabilang ang ministries of Justice, Foreign Affairs, Health, Labor and Welfare at ang National Policy agency, ayon kay Bello.

Imahe mula sa Tirada

Sa memorandum of cooperation ay ilalatag ang mga labor skills na hinahanap ng Japan, dagdag pa ng kalihim.

Aniya, sa kasalukuyan ang partikular na manggagawang hinahanap ng Japan ay ang mga nasa larangan ng healthcare, maintenance, food services, electronics, agriculture, at construction.

Sa naunang ulat ng Virtual Pinoy, nag-anunsiyo ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na 60,000 caregivers ang hinahanap ng Japan. Sa mga private recruitment agencies daw ipadaraan ang pagpo-proseso ng employment ng mga interesadong aplikante.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ang pagtanggap ng mga kwalipikadong foreign workers sa Japan ay sa ilalim ng specialized skilled workers visa na mayroong dalawang klasipikasyon. Ang una ay ang para sa mga semi-skilled workers kung saan napapabilang  ang mga caregivers. At ang ikalawa ay para sa mga highly-skilled workers.

Sinabi ni POEA Administrator Bernardo Olalia na limang taon ang kontrata ng mga kwalipikadong manggagawa ilalim ng dalawang klasipikasyon ng specialized skilled workers visa.

Binalaan ni Olalia ang mga interesadong aplikante na huwag maniniwala sa mga mapagsamantalang recruitment agencies na nagsasabing tumatanggap na sila ng aplikasyon para sa nabanggit na bagong visa.

Aniya, hintayin muna nila ang abiso ng POEA.