Himala sa EDSA: Daloy ng trapiko bumilis dahil mahigpit na ipinatupad ang yellow bus lane policy

Screenshot mula sa video ni Bong Nebrija

Marami ang natuwa sa video na ibinahagi sa Facebook ni Edison “Bong” Nebrija, ang commander ng Task Force Special Operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa tila himala na nangyari sa EDSA noong Lunes, ika-11 ng Marso.

Ipinakita ni Bong Nebrija sa video ang ginawa nilang mahigpit na pagpapatupad sa yellow bus lane policy sa EDSA na nag-resulta ng mabilis na daloy ng trapiko sa mga outer lanes ng kalsada na nakalaan para sa mga private cars at provincial buses.

Makikita ang napakahabang pila ng mga city buses sa dalawang bus lanes sa loob ng yellow lane na nakalaan sa kanila.

Imahe mula sa Facebook account ni Bong Nebrija

Matagal nang polisiya ng MMDA ang yellow bus lane o ang dalawang lanes mula sa bangketa. Doon lang dapat bumaybay ang mga city buses pero dahil sa kakulangan sa pagpapatupad ay makikita ang mga city buses na gumagamit ng lanes na hindi nakalaan sa kanila.

Ginagawa ng mga city bus drivers ang paglipat sa hindi nila linya upang makipag-unahan sa pag-pick up ng mga pasahero, na minsan ay nauuwi sa aksidente na lalong nagpapasikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Screenshot mula sa video ni Bong Nebrija

Sa ginawa ng MMDA noong Lunes ay napatunayang isa sa mga dahilan ng matinding trapiko sa pangunahing kalsada ng Metro Manila ay ang kawalan ng disiplina ng mga driver – mapa-bus man o pribadong sasakyan.

Sa viral video ni Nebrija na may higit 1.6 million views na ay ilang pasaway na private motorists ang hinuli dahil pumapasok sila sa yellow bus lane kapag maluwag doon.

Screenshot mula sa video ni Bong Nebrija

Napagtanto rin ni Nebrija na isa sa dahilan ng problema sa EDSA ay ang sobrang bilang ng mga bus na bumibiyahe doon. Napansin kasi niya na marami sa mga nasabing city buses ay iilan lang ang sakay na pasahero.

Aniya, susunod nilang pag-uusapan ang tungkol sa bus dispatching upang mabawasan ang sobra-sobrang bilang ng bus sa EDSA lalo na kapag rush hour.