Highest-rated cruise ship in the world nagdala ng mga turista sa Leyte




Imahe mula sa Hapag-Lloyd Cruises

Hindi bababa sa 352 na turista mula sa ilang European countries ang bumisita sa pangunahing tourist destination ng Leyte – ang Kalanggaman Island.

Ang mga dayuhang turista ay lulan ng MS Europa 2, na ayon sa Berlitz Guide to Cruising & Cruise Ships, ay siyang highest-rated cruise ship sa buong mundo na pag-aari ng Germany-based Hapag-Lloyd Cruises. Ang cruise ship ay may 300 crew, kabilang ang 185 na mga Pilipino.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, taong 2013 pa nagsimulang bumisita sa Kalanggaman Island ang nasabing cruise ship at ang pinakahuli ay nito lang kalagitnaan ng buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.

Imahe mula sa Bohol Chronicle

Dakong alas-otso ng umaga dumating sa Leyte ang MS Europa 2 na nanggaling sa Tagbilaran City kung saan pumasyal ang mga turista sa mga magagandang destinasyon sa Bohol, kabilang ang Chocolate Hills, Loboc River, Abatan River at ang Tarsier Sanctuary.

Humanga si MS Europa 2 cruise director Sascha Ritcher sa ganda ng serbisyong ipinamalas sa kanila sa Leyte.

Aniya, “I have been on this island for a couple of times. This island is one of the best places we know that offer services to our guests because everything is well-prepared. It is easy to go on shore and we have many facilities to use. It is perfect for us.”

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Terrence Osmeña ng Palompon local government unit, sampung oras naglibot sa buong isla ang mga turista na aliw na aliw sa mga folk dances na ipinamalas ng mga estudyante na miyembro ng dance troupe ng Palompon.

Dakong alas-sais na ng gabi umalis sa Kalanggaman Island patungo sa Boracay Island ang cruise ship at pagkatapos ay maglalayag iyon patungong Hong Kong.