Happy-go-lucky online game player, topnotcher sa MedTech Board Exam

Imahe mula sa Facebook account ni Edmand Sumaculub

Sino ang mag-aakala na ang isang happy-go-lucky online gamer ay tatanghalin bilang topnotcher sa MedTech Board Exam?

May mga pag-aaral na kasi na ang pagkalulong sa mga online games ay may negatibong epekto hindi lang sa mga gawaing pampaaralan kundi maging sa trabaho. Hindi ba’t kailan lang ay napabalita ang utos ng isang mayor na nagbabawal sa mga kawani ng munisipyo na maglaro ng mobile games dahil nakasasagabal sa mga transaksiyon sa munisipalidad?

Kaya naman ang kuwento ng MedTech Board Exam topnotcher na si John Steward Buenavista Alberto ay maituturing na kakaiba dahil sa halip na makasagabal sa kanya ay naging sandigan pa niya ang mobile game na PlayerUnknown’s B’grounds (PUBG) para sa pagre-review niya sa board exam.

Imahe mula sa Facebook account ni Jhing Buenavista Alberto

Ang 21-anyos na si John mula sa Cagayan State University Andrews Campus ay nanguna sa March 2019 Medical Technologist Board Examination na may 91.10% rating. Nag-tie sila ni Zairah Monjardin ng Far Eastern University – Nicanor Reyes Medical Foundation na nakakuha ng kaparehong score.

Ayon sa Facebook page ng CSU Lal-lo Innovator, naging stress reliever ni John ang paglalaro ng PUBG habang nagre-review para sa board exam.

Aniya, sa tuwing nakukuha niya ang goal score niya sa review ay ginagantimpalaan niya ang sarili ng paglalaro ng PUBG at kapag naman hindi pumapasok sa utak niya ang mga impormasyon habang nagre-review ay naglalaro na lang siya ng mobile game.

Imahe mula sa PRC Board

“Naging effective naman po siya sa akin kasi ayaw ko po i-pressure ‘yung sarili ko,” kuwento ni John na nagsimulang maglaro ng online games noong first year high school pa lang siya.

Happy-go-lucky daw siya noong nasa elementarya siya hanggang second year sa college. Hindi raw niya alintana anuman ang standing niya sa paaralaan. Nagbago raw siya simula third year college nang basta na lang daw niyang naisip na dapat niyang paghusayin ang pag-aaral. Naging consistent dean’s lister siya.

Simula noon ay napansin na ng mga propesor niya sa kolehiyo ang husay niya kaya naman lalo pa niyang pinagbuti ang pag-aaral hanggang sa naging topnotcher na nga siya sa board exam.

“I was like in Cloud 9 po tapos antagal nag sink in…It’s the best thing na nangyari sa buhay ko,” paglalahad ni John.

Bottomline, ang disiplina niya sa paglalaro ay nagdulot ng mabuti sa kanya. Congratulations!