Guro sa Sultan Kudarat, ginawan ng portrait ang 59 niyang honor students




Larawan mula sa Facebook post ni Mailyn Akoy

Tila alam na alam ng isang guro mula sa Sultan Kudarat kung paano makaantig ng puso at magbigay ng inspirasyon sa mga netizens sa pamamagitan ng kanyang mga gawi.

Matapos mag-viral si Mailyn Esquelito Akoy noong nakaraang taon dahil ipinagmalaki niyang anak siya ng isang kargador, ngayon naman ay muli niyang napukaw ang maraming Pilipino nang gawan niya ng portait ang 59 niyang mag-aaral na nagtapos nang may karangalan ngayong school year.

Nakabibilib, ‘di ba? Buong klase niya ay honor students.

Larawan mula sa Facebook post ni Mailyn Akoy

Ayon sa Facebook post ni Akoy, simula pa lamang ng pagtuturo niya sa klase ay pinursigi na niya ang kanyang advisory class upang lahat ay magtapos nang mayroong karangalan dahil nais niyang huwag maranasan ng kanyang mga mag-aaral ang naramdaman niya nang hindi siya maging cum laude noong kolehiyo.

“They never fail to listen on my reminders. Ayaw kong maramdaman n’yo ang naramdaman ko because I fail to graduate cum laude. Do your best. Mag-study, time out muna sa Mobile Legend para lahat makaakyat sa stage,” mensahe ni Akoy sa kanyang mga mag-aaral sa Notre Dame of Tacurong College – Senior High School Department.

Pangako daw ni Akoy sa kanyang 50 advisory students, kung lahat sila ay makapapasok sa honor roll ay mayroon silang matatanggap mula sa kanya.

Hindi naman siya binigo ng kanyang mga estudyante, kabilang na ang siyam pa mula sa ibang section, na napasama sa mga standout students ng kanilang paaralan para sa taong ito.

Larawan mula sa Facebook post ni Mailyn Akosiyam

Ikinuwento rin ni Akoy ang naging pagsubok sa pagtapos ng 59 sketches ng kanyang mga estudyante kasabay ng iba’t ibang gawain tulad ng learning plan, lectures, at mismong pagtuturo sa klase.

Ngunit naging determinasyon ni Akoy sa paggawa ng mga ito ang nakita niyang dedikasyon sa pag-aaral at sa pagpapakita ng respeto sa kanilang kapuwa.

“Natutuwa ako sa katotohanan na naging parte ako ng buhay ng mga kabataang ito. Magkakaiba man ang kanilang kwento at pinagdaanan, magkaiba man ang kwenta ng kanilang baon sa araw-araw, ang mahalaga ay baon-baon nila ang respeto at pagpapahalaga na kanilang natutunan,” pagpapatuloy ni Akoy sa kanyang Facebook post.

Larawan mula sa Facebook post ni Mailyn Akoy

Nagtapos ang advisory class ni Akoy na mayroong pitong with high honors at 43 ang pinarangalang with honors, habang ang siyam naman ay mula sa ibang section na naging inspirasyon din ang hamon ni Akoy na mag-aral nang mabuti.