Good vibes! Jeepney driver sa Batangas, may libreng sakay para sa mga Senior Citizens, PWD, buntis, at honor students




Larawan mula sa Facebook account ni Carms Maricar Corona

Sa panahon ngayon na halos lahat ng bagay ay may presyo at nangangailangan ng salapi, nakapagpapataba ng puso ang mga balitang may mga tao pa ring nagtataglay ng ginintuang pusong handang magmalasakit sa kanilang kapwa kahit isakripisyo pa ang kanilang sariling kita sa hanapbuhay.

Isa sa mga halimbawa nito ang jeepney driver na si Como Iquin Jose mula sa Batangas matapos ibahagi sa Facebook  post ng isang netizen na nagngangalang Carms Maricar Corona noong Pebrero 28, 2019 ang kanyang kakaibang “promo” matapos siya nitong maging pasahero.

Ang promo na ito ay libreng sakay para sa mga Senior Citizens, PWD o Persons With Disability, mga buntis, at maging ang mga honor students.

“DKK 417. Kung sino man po makakasakay sa jeep na ‘to, hahanga rin po kayo sa driver nito. He is offering FREE FARE, as in LIBRE, para sa mga Senior Citizens, PWD, Pregnant and Honor Students. God bless po kuya and have a safe biyahe everyday!  (Wala naman po sanang manloko kay kuya, kabahan naman kayo).”

Larawan mula sa Facebook account ni Como Iquin Jose

Hindi tiniyak sa post kung paano matitiyak ng naturang driver na ang pasahero niya ay honor students, subalit labis itong ikinatuwa at kinalugdan ng mga netizens. Sino nga ba ang mag–aakalang isang karaniwang jeepney driver ang magmamalasakit ng ganito sa kanyang mga pasahero sa kabila ng patuloy na panawagan ng iba pang jeepney drivers na dagdagan ang singil sa pamasahe?

Idinagdag pa ng nagbahaging netizen na sa araw na iyon, libre din ang anak na estudyante ng mga OFWs o Overseas Filipino Workers.

Game naman si Kuya Driver sa pagsagot sa pag–aalala ng ilang mga netizens sa comment section na baka lokohin lamang siya ng ilang mga mapagsamantalang tao, at ang ending, uuwi siyang walang kinita.

Sagot niya: “Hindi po ako TAKOT sa mga manloloko like mag 1,2,3 andyan naman po si Lord. Good vibes lang po! God bless po!”

Bukod kasi sa kanyang promo, nakalagay rin sa isa pang karatula sa loob ng kanyang jeep na “Pwede mag 5, 6 (Very Good), Bawal mag 1–2–3 (very bad), No money, No problem (You’re free).”

Larawan mula sa Facebook account ni Carms Maricar Corona

Dagdag pa niya: “Isa lamang ito sa pangarap kong gawin sa buhay ko. Iyan ay ipagpapatuloy ko. Hangga’t may senior, PWD, pregnant at honor students. Thanks everyone!”

Mabuhay ka, Kuya! Ipagpatuloy mo lamang ang magagandang adhikain, subalit mag–ingat din!