Ginawang panduduro, pagkwelyo ng NCRPO Chief sa kotong cop, suportado ni Pang. Duterte

Screenshot mula sa video ng CNN Philippines

Binatikos ng ilan ang ginawa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar na panduduro, pagkwelyo at diumano’y pananampal niya sa isang pasaway na pulis na nahuli sa akto ng pangongotong sa kaanak ng isang hinuling suspek.

Batay sa ulat ng Abante, gigil na gigil si Eleazar sa kotong cop na kinilalang si Corporal Marlo Quibete ng Eastern Police District nang iharap sa kanya ito. Huli kasi sa akto si Quibete na tumanggap ng P20,000 sa isinagawang entrapment operation matapos mag-report sa pulisya ang babaeng hiningan ng pera.

Screenshot mula sa video ng CNN Philippines

Humingi naman si Eleazar ng paumanhin sa publiko dahil hindi raw siya nakapagtimpi, subalit hindi siya hihingi ng paumanhin kay Quibete. Nararapat lang daw iyon sa korap na pulis.

“Humihingi ako ng paumanhin kung medyo hindi ako nakapagtimpi at nailabas ko ang aking emosyon,” paumanhin ng NCRPO chief.

Nilinaw niya na hindi niya sinampal o dinibdiban ang pasaway na pulis.

“Alam mo ‘yung angle ng camera akala mo sinasampal. No. Tinitingala ko gusto ko makita eye to eye,” paliwanag ni Eleazar.

“Hindi natin ‘yan dinidbdiban. Kinukwelyuhan natin. Alam mo itong mga ito hindi natin pwedeng beybihin ‘yan pero hindi rin natin puwedeng saktan,” sabi pa ng opisyal.

Isiniwalat ni Eleazar na bukod kay Quibete ay may mga kasabawat pa itong mga kapwa pulis. Inalis ni Eleazar sa puwesto ang hepe ng Eastern Police District dahil sa prinsipyo ng command responsibility.

Samantala, ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Eleazar na suportado niya ang ginawa nitong pananabon at panggigigil kay Quibete.

Screenshot mula sa video ng PTV

“Ilan na lang natitira na puro matitino na? Kaya itong pulis, everyday there’s always an idiot. Nahuhuli,” anang Pangulo sa talumpati niya sa anibersaryo ng Presidential Anti-Corruption Commission sa Malacañang.

“Sir, sabihin mo kay Eleazar, okay ‘yun. Eh, ano ba naman ‘yung ganun-ganon? Sabihin mo I have his back covered,” sabi pa ni  Pangulong Duterte.

Source :

Abante, RMN, Inquirer