Estudyante sa Mindanao, dumalo sa graduation sa kabila ng kondisyon sa puso

Larawan mula sa Facebook account ni Lyn Mangkok Ayob

Marami ang naantig at humanga sa dedikasyon ni Joemar Mangkok dahil sa kabila ng kanyang rheumatic heart condition ay nakadalo pa rin ito sa graduation rites ng Southern Mindanao Institute of Technology, Inc. (SMIT).

Pinahintulutan ng kanyang mga doktor mula St. Loius Hospital ang binata na dumalo sa graduation upang matanggap ang kanyang diploma sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Mathematics.

Larawan mula sa Facebook account ni Lyn Mangkok Ayob

Sa Facebook post ng ilang kaanaak ni Mangkok, makikita ang pagtanggap niya ng diploma sakay ng isang wheelchair at mayroong kasunod na oxygen tank na tumutlong sa kanya upang makahinga.

Nagpasalamat naman ang mga kaanak ni Mangkok sa mga kamag-aral niyang nagboluntaryong buhatin ang oxygen tank niya simula pagpasok ng paaralan hanggang matanggap na nito ang kanyang diploma.

Samantala, nakarating na kay Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu ang balita tungkol kay Mangkok at nagpahayag na ito na nais niyang tumulong sa mga gastusin sa ospital.

Ayon sa gobernador, naantig siya sa dedikasyon ni Mangkok na mula sa Datu Paglas, Maguindanao, na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kabila ng ‘di birong kondisyon nito sa puso.

“He showed extreme courage and determination despite his condition. I was touched. What a gesture of fighting spirit it was. A resilient person,” pahayag ni Mangudadatu sa pamamagitan ng isang text message.

Larawan mula sa Facebook account ni Lyn Mangkok Ayob

Gayunman, sa pamamagitan din ng isang Facebook post, inihayag ng isa pang kaanak ni Mangkuk na kinailangan siyang ibalik agad sa ospital dahil nakaramdam ito ng pamamanhid at hirap sa paghinga.

“Dahil nga po sa kalagayan niya, pagkagaling namin ng school deretso hospital na kami. Nagsimula na ring mag-numb ang katawan niya… So no choice kami kundi isugod na siya kaagad sa hospital,” paliwanag ni Haguiar Abag, kaanak ni Mangkuk, sa kanyang viral Facebook post.

Sa kasalukuyan, patuloy na ibinabahagi ng mga kamag-anak at kamag-aral ni Mangkuk ang kanyang kuwento sa social media gamit ang hasghtag na #LabanPuso.