Eroplano bumiyahe pabalik sa paliparan dahil naiwan ng pasaherong ina ang kanyang sanggol

Public domain

Nakakagulat, oo. Nakapagtataka…na nagawa ng inang makalimutan ang kanyang sanggol sa waiting area ng paliparan.

Isang eroplano ang bumiyahe pabalik sa Saudi Arabia makaraang makalimutan at maiwan ng isang pasahero ang kanyang sanggol sa terminal ng airport sa Jeddah.

Ayon sa ulat ng Gulf News, nasa himpapawid na ang eroplanong SV832 mula sa Jeddah patungong Kuala Lumpur, Malaysia nang mapansin ng babaeng pasahero na hindi niya kasama ang kanyang sanggol.

Naiwan umano ng ina ang anak sa boarding area sa terminal ng King Abdul Aziz International Airport.

Imahe mula sa SOM.Com

Sa video ay maririnig ang kahilingan ng piloto na bumalik sa lugar kung saan naiwan ang sanggol habang nagsasalita ito sa ATC operator.

Humingi ng tulong ang ina sa cabin crew at kinonsulta naman ng piloto ang mga awtoridad kung maaari niyang ibalik ang eroplano sa paliparan para sa naiwang sanggol.

“May God be with us. Can we come back or what?” anang piloto sa air traffic controller.

Naririnig din ang isang operator na tinatanong ang kasamahan tungkol sa protocol.

“This flight is requesting to come back…a passenger forgot her baby in the waiting area, the poor thing.”

Muli ring kinumpirma ng operator sa piloto ang dahilan ng pagbalik nito sa paliparan.

Narinig namang nagsalita ang piloto: “We told you, a passenger left her baby in the terminal and refuses to continue the flight.”

“Ok, head back to the gate. This is totally a new one for us!”

Marami ang naaliw at may mga pumuri sa ginawang ito ng piloto  – sa pagbalik nito sa paliparan dahil sa naturang sitwasyon. Marami rin ang napaisip kung paanong makalilimutan ng isang magulang ang kanyang sanggol.

Wala namang tiyak na impormasyon ang naitala kaugnay sa kung paano naiwan ng ina ang kanyang anak sa waiting area.