Epekto ng Climate Change sa mundo “accelerating” – WMO

Larawan mula sa Pexels

Kung ramdam na ng mundo ang epekto ng climate change, mas magkakaroon pa raw ito ng implikasyon sa buhay ng bawat mamamayan dahil patuloy umano ang paglaki ng pinsalang naidudulot nito.

Ayon sa pag-aaral ng World Meteorological Organization (WMO) na inihayag sa ulat nilang “State of the Climate,” hindi na raw maawat ang pinsala sa kalikasan, maging sa ekonomiya ng iba’t ibang bansa, ng climate change.

Larawan mula sa Pexels

Nang unang isagawa ng WMO ang kanilang pag-aaral noong 1993, ang carbon dioxide level ay nasa 357 parts per million (ppm) lamang, samantalang nitong 2018, lumobo na ito sa 405.5 ppm at inaasahan pang mas tataas sa mga susunod na taon.

Naitala rin ng WMO ang pinakamainit na temperatura sa mundo na mas mataas ng one degree Celsius sa taong 2015 hanggang 2018 at hindi raw malabong tumaas pa ng tatlo hanggang limang degree Celsius sa pagsapit ng bagong siglo.

“We know that if the current trajectory for the greenhouse gas concentrations continues, temperatures may increase by three to five degrees Celsius compared to pre-industrial levels by the end of the century and we have already reached one degree,” sabi ni Prof Samantha Hepburn na direktor ng Center for Energy and Natural Resource Law ng Deakin University sa Australia.

Inilahad rin sa nasabing report ng WMO ang pinsalang naidudulot ng climate change sa mga karagatan ng mundo, partikular na ang pagtaas ng level ng tubig at patuloy na pag-init ng temperatura ng mga ito.

Napag-alaman ng WMO na 90% umano ng init na nakukuha mula sa greenhouse gasses ay napupunta sa karagatan at tumaas din ng 3.77mm ang sea level nitong 2018.

Lubhang mapanganib umano ang pagtaas ng tubig sa dagat, higit sa mga mabababang dalampasigan, at makalilikha ng malaking pinsala kung mayroong mga kalamidad tulad ng bagyo.

Binigyang-pansin din sa report ng WMO ang nagiging pinsala ng mga kalamidad na dala ng climate change sa ekonomiya ng iba’t ibang bansa.

Larawan mula sa Pexels

Saad ng WMO, sa halip raw na nagagamit ang badyet ng mga bansang ito sa pagpapaunlad ng kanilang bansa, nagagamit pa raw ito sa rehabilitasyon ng mga pinsala, gayundin ang mga nasisirang imprastruktura at produktong agrikulturang winawasak ng mga kalamidad.

Nabanggit din sa report ang naging pinsala ng Bagyong Ompong na tumama sa Pilipinas at nakaapekto sa higit 2 milyong pamilya.

Source :

WMO, BBC