DFA consular staff, tinanggal sa puwesto dahil sa pag-disrespeto sa reporter na may polio

Imahe mula sa Facebook page ng DFA

Pansamatalang inalis sa kanyang pwesto ang isang consular staff ng Department of Foreign Affairs (DFA) habang nagsasagawa ang ahensiya ng imbestigasyon hinggil sa diumano’y ginawa nitong pag-disrespeto sa mamamahayag na isang PWD (person with disability).

Kinilala ang reporter bilang si Macon Ramos Araneta; isang beteranong mamamahayag ng Manila Standard.

Sa isang pahayag ay humingi ng paumanhin kay Araneta ang DFA.

“This was really a very unfortunate incident that we are deeply sorry for. Our colleague Macon Ramos Araneta did not have to go through such indignity. The consular staff involved has been relieved from his duties while the Department is investigating this incident,” sabi sa statement ng DFA.

Screenshot ng Tweet ni Sec. Teddy Locsin

Sa pamamagitan ng Twitter ay humingi rin ng paumanhin sa nangyari si DFA Secretary Teddy Locsin, Jr.

“I am at a total loss for words except that I will seriously consider a proposal for chemical castration to prevent this behavior from being passed on. I am deeply sorry,” post ni Sec. Locsin sa Twitter.

Bilang tugon sa tweet ng kalihim ay sinabi ni DFA Assistant Secretary Elmer Cato na inalis na sa puwesto ang nasabing consular staff. Sinabi pa niya na sisiguraduhin ng DFA na hindi na muling mauulit ang nasabing insidente.

Screenshot ng tweet ni Asec. Elmer Cato

“The consular staff involved has been relieved of his duties. It was a very unfortunate incident indeed involving a media colleague with disabilities. @DFAPHL will make sure this will not happen again,” ani Asec. Cato.

Ayon kay Araneta, nag-ugat ang insidente nang pumila siya sa courtesy area ng DFA para sa mga senior citizens, buntis at PWD na tulad niya. Aniya, nang hingan siya ng ID ay ipinakita niya ang photocopy ng PWD ID niya na nagsasabing mayroon siyang polio.

Duda pa ang consular staff na may polio si Araneta kaya tumawag pa ito ng isang guwardiya upang tingnan kung totoong PWD siya.

Itinaas pa ni Araneta ang pantalon niya upang ipakita sa guard ang paang apektado ng polio pero sabi nito ay hindi iyan gaanong makita dahil nakapantalon. Doon na nagsimulang magalit si Araneta.

Ang buong pangyayari ay ibinahagi ng mamamahayag sa kanyang Facebook account.