DENR mag-iisyu na ng mga  tree-cutting permits para sa mga infested, may pinsalang pine tree sa Baguio

Public domain

Kinumpirma ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Cordillera na kanila nang pinoproseso ang mga tree-cutting permits na para sa mga infested na pine trees sa Baguio City.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na inatasan na niya ang Ecosystem Research and Development Bureau na magsagawa ng imbentaryo sa mga pine tree sa lungsod.

Imahe mula sa Rappler video via You Tube

Inatasan din ang bureau na tukuyin ang dahilan ng pagkabulok at pagkasira ng mga puno.

Sa naturang imbentaryo, natuklasan ng mga mananaliksik na ilan sa mga puno ay infested na ng mga bark beetles.

Ayon kay Engr. Ralph Pablo, ang naturang permit ay magpapahintulot  sa pagpapatupad ng sanitation cutting. Pipigilan nito ang pagkalat ng mga peste sa palibot ng pine trees na maaayos pa.

“May mga larvae ‘yan nasa bark. So, pagka hindi natin itreat ‘yun, baka ‘yang larvae na ‘yan magkakaroon ng pakpak na naman. Lilipat na naman ‘yan sa isang tree,” paliwanag nito.

Sinabi rin ni Pablo na kanilang titiyakin na idodokumento nila ang proseso ng pagpuputol upang masiguro kung ang mga puno ay infested.

Sang-ayon naman si Dr. Zenaida Baoanan, biology professor sa University of the Philippines-Baguio, na ang sanitation cutting ay isang paraan upang  maiwasan ang pagkabulok ng mga buhay na pine trees.

“Kasi as of now, wala pa talagang effective method to control them. Under investigation pa rin siya. So, kung immediate na ‘yung need na ma-prevent ‘yung infestation, then the cutting might actually be required,” ani Baoanan.

Iminungkahi rin ni Baoanan na kailangan munang kumpirmahin ng plant pathologist ang estado ng mga puputuling puno.

Imahe mula sa Get Real Philippines

Hindi pa naglalabas ang DENR ng resulta ng imbentaryo at bilang ng mga tree-cutting permits na kanilang ilalabas.

Sa bawat tree-cutting permit na ilalabas, 100 puno ang kailangang itanim sa parehong lugar.