Dalawang Pinoy acts pasok sa grand finals ng Asia’s Got Talent, isa pa posible ring makapasok

Screenshot mula sa video ng Asia's Got Talent

Pasok na ang dalawang Filipino acts sa grand finals ng talent search show na Asia’s Got Talent (AGT).

Nauna nang nakapasok sa grand finals ang Pinoy hand shadow artist na si Philip Galit na kilala bilang si Shadow Ace matapos niyang makakuha ng sapat na online votes mula sa publiko. Si Shadow Ace ang unang Pinoy na nakakuha ng Golden Buzzer sa kasalukuyang season ng AGT.

Ang ikalawa ay ang Pinoy dance group na Junior Good Vibes. Tinawag ng mga AGT judges na “flawless” ang semi-finals performance ng dance group mula sa Sampaloc, Manila.

“Hindi namin inaakala na makakapasok kami dito sa semifinals. Sobrang dami pong pinaghirapan namin bago kami makarating dito. Inaalay po namin iyong sayaw namin para sa mga kagrupo na naiwan po namin, sa lahat po ng mga pamilya namin. Ito po iyong pinakamalaking opportunity na dumating as buhay namin. Maraming salamat po,” sabi ng isa sa mga miyembro ng grupo matapos ang mahusay niilang pagsayaw.

Hindi na kinailangan ng dance group ang online votes dahil napagkaisahan ng mga judges na idiretso na sila sa grand finals.

Ang mga judges ay may kapangyarihang magpadala ng contestant mula sa semi-finals patungo sa grand finals at napagkaisahan nina David Foster, Jay Park at Anggun na iyon ay ang Junior Good Vibes ng Pilipinas.

Samantala, ang 10-taong gulang na si Eleana Gabunada, na nakakuha rin ng Golden Buzzer kaya dumiretso sa semi-finals, ay muling nagpakita ng husay sa pag-awit na kinabiliban ng mga studio audience at judges na nagbigay sa kanya ng standing ovation.

Kung makakakuha si Gabunada ng sapat na online votes ay makasasali siya sa grand finals.

One hundred thousand dollars o katumbas ng mahigit limang milyong piso ang mapapanalunan sa grand finals ng AGT.