Cuteness overload: Isang Shih Tzu, viral online dahil sa kakaibang posisyon nito sa pagtulog




Larawan mula sa Facebook account ni Janess Cua

Hindi inaasahan ni Janess Cua, isang pet owner, na makikiliti ng kanyang isang buwang gulang na Shih Tzu ang mga netizen dahil sa kakaibang estilo nito sa pagtulog.

Kumakalat ngayon online ang mga larawan ni Paningning, ang Shih Tzu ni Cua, na natutulog habang nakatihaya na bihirang posisyon ng isang aso sa pagtulog.

Larawan mula sa Facebook account ni Janess Cua

Ayon sa isang panayam sa ABS-CBN News, hindi raw inasahan ni Cua na magiging viral ang larawang ito ng kanyang alaga.

“Honestly, hindi ko po ineexpect na mag-trending siya kasi po always naman akong nagpo-post ng pic ng mga dogs ko kasi nagiging happy ako ‘pag pini-picturan ko po sila,” sabi ni Cua na mayroong alagang 11 aso.

Dagdag pa niya, Paningning daw ang ipinangalan niya sa aso, alinsunod sa kagustuhan ng kanyang anak na bigyan ito ng pangalang “maningning” dahil mayroon daw itong kakaibang kulay nang isilang.

“Naisip po nung daughter ko na kasi naiiba siya kaya maningning hanggang sa naging Paningning po kasi gusto n’ya letter P,” dagdag ni Cua.

Binuhay din ni Paningning ang pagkamalikhain ng mga netizens dahil ang nakaka-good vibes na larawan niya ay nagbunga na rin ng samut-saring memes.

Nagkaroon na rin ngayon ng “Paningning challenge,” kung saan ang mga dog owners ay kumukuha ng larawan ng kanilang mga alaga habang ginagaya ang posisyon ni Paningning sa pagtulog.

Larawan mula sa Facebook account ni Erren Elizalde

Hindi lamang iyan, dahil tila isa na ring worldwide sensation ang cute na si Paningning dahil maging ang New York-based magazine na Complex ay na-feature na rin siya sa kanilang Facebook page na umani ng libo-libong likes.

Dahil sa ‘di maawat na kasikatan ng aso ni Cua, pinag-iisipan na raw niyang gawan ito ng sarili nitong Facebook page upang maibahagi ang marami pang larawan ng Shih Tzu kahit na maraming fans ni Paningning ang lumikha na ng profile nito sa social media.