Comelec, muling nagpaalala ukol sa mga campaign poster ng mga kandidato




(Larawan mula sa Pixabay)

Sa pagsisimula ng unang araw (Marso 29) ng pangangampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon ay muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) na sumunod sa mga regulasyon o panuntunan sa pangangampanya, partikular na ang paggamit ng poster bilang campaign material.

Ang poster, na isa sa pinakaginagamit na campaign material, ay kailangang hindi lalampas sa sukat na 3 x 2 talampakan. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsasabit, paglalagay, o pagdidikit ng mga campaign posters sa mga pangunahing lansangan, kasama na ang mga waiting sheds, poste ng kuryente, tulay, at marami pang iba. Kasama rin sa ipinagbabawal ang pagdidikit sa mga pampublikong sasakyan at  transportasyon na pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno o ng lokal na pamahalaan.

(Larawan mula sa Pixabay)

Bawal ding magsabit ng mga posters sa mga paaralan, pampublikong dambana, barangay hall, pampublikong ospital, at iba pang pampublikong istruktura. Bawal din ang pagdidikit ng posters sa mga puno.

Maging ang mga campaign advertisement sa mga pambublikong LED o LCD screen na matatagpuan sa mga highway o sa mga dingding ng mga pampublikong gusali ay mahigpit ding ipinagbabawal.

Bago pa man magsimula ang campaign period, ibinalita ni Comelec spokesman James Jimenez na may mga kandidato na silang pinadalhan ng babala na tanggalin ang kanilang mga poster na nakapaskil sa mga ipinagbabawal na lugar, at maaari silang makasuhan kung hindi sila susunod.

May mga inilaang lugar ang Comelec kung saan lamang maaaring magsabit o magkabit ng poster ang mga kandidato. Gayunman, maaari namang magpaskil sa mga pribadong lugar ngunit tiyaking may pahintulot ito ng mga may-ari.

(Larawan mula sa Freepik)

Dahil inaasahang mas maingay at magarbo ang lokal na pangangampanya, binalaan din ng Comelec ang mga kandidato na huwag nang gumamit ng malalakas at nakaiiritang ingay para lamang ipakilala ang sarili sa mga botante. Hangga’t maaari ay gawing tahimik at mapayapa ang pangangampanya. Hinikayat din nila na panatilihing malinis ang mga lugar na pagdarausan ng kanilang kokus o pulong ng mga kasapi ng kanilang partido.

Sa Mayo 11 ang huling araw ng pangangampanya at ang halalan ay gaganapin naman sa Mayo 13, 2019.