Comelec ipinag-utos sa DOH ang pagtatanggal ng ‘Malasakit’ posters ni Bong Go

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Bilang pagtalima sa Omnibus Election Code, iniutos ng Commission on Elections (Comelec) sa Department of Health (DOH) ang pag-aalis ng mga poster ni senatorial candidate Bong Go kaugnay sa Malasakit Center na nagkalat sa mga pampublikong ospital sa bansa.

Ayon sa isang post ni Election Commissioner Rowena Guanzon sa Twitter, maliban sa DOH ay direkta na rin silang nakipag-uganayan kay dating presidential aide Go na agad tanggalin ang kanyang mga poster, katulad ng pagsita nila sa iba pang mga kandidatong lumalabag sa election code.

Larawan mula sa Philippine Information Agency at Twitter

“We sent notices to all candidate that have illegal posters, all LAHAT. We requested DOH to remove posters in Malasakit centers gov’t hospitals,” sagot ni Guanzon sa isang tweet na nagrereklamo sa mga naglalakihang poster ni Go.

Dagdag pa ni Guanzon, mas maghihigpit pa sila sa pagsita at pagpapatanggal ng mga iligal na poster at iba pang campaign materials na nakakabit sa mga pampublikong ospital, health centers, barangay halls, pantalan, at paliparan.

Proyekto ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Malasakit Center at ayon sa pangulo, malaki ang naging papel ni Go sa pagpaplano at pagbuo ng mga center na ito sa buong bansa.

Layunin ng mga malasakit center na mas mapabilis ang pagtulong sa mga Pilipino na nangangailangan ng tulong medikal, kabilang na ang tulong pinansyal mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at DOH.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Bago pa man masita ng Comelec ang Malasakit posters ni Go, nauna na itong nagpahayag sa kanyang mga taga-suporta na huwag nang magpakalat ng mga poster at campaign materials sa mga pampublikong lugar.

Ipinagbabawal sa bisa ng Omnibus Election Code ang paggamit ng isang kandidato ng pondo, pasilidad, at mga kagamitan ng pamahalaan sa anumang aktibidad na may kinalaman sa halalan.

Source :

Twitter, Inquirer