Campaign motorcade sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, ipinagbawal

Imahe mula sa Primerr

Bawal nang magsagawa ng political campaign motorcade sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila ang mga kandidato sa nalalapit na midterm elections, ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni MMDA Special Operations Task Force commander Edison “Bong” Nebrija na ire-report nila sa Commission on Elections ang mga kandidatong lalabag sa naturang kautusan pati na rin sa iba pang batas-trapiko.

“We are asking all the candidates to please avoid conducting motorcades in these areas. These are very critical roads for us and for all motorists especially for those who just want to go to work and those who are spending family day,” ani Bong Nebrija.

Screenshot mula sa video ng CNN Philippines

Ang mga motorcade ay maaaring tumawid sa mga major roads subalit nilinaw ni Nebrija na kailangan nilang sundin ang traffic light. Hindi maaaring harangan ang mga intersection para lang makadaan ang lahat ng mga kasama sa motorcade.

Sabi ni Nebrija, kapag naka-red light na ay dapat huminto ang mga kasali sa motorcade na hindi pa nakakatawid ng intersection. Ipinaalala rin niya na huhulihin ang sinumang lalabag sa mga batas-trapiko kagaya ng mga naka-motorsiklo na walang suot na helmet.

Nanawagan din ang MMDA sa mga kandidato na huwag gumamit ng mga napakalalakas na sound system upang maiwasan ang noise pollution.

Screenshot mula sa video ng CNN Philippines

Kabilang sa mga pinaiiwasang daanan ng mga campaign parades ay ang EDSA, C-5 Road, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Elliptical Avenue at ang “Mabuhay Lanes’ o ang mga alternatibong ruta na itinalaga ng MMDA.

Hahayaan ng MMDA ang mga local government units na mangasiwa ng mga campaign motorcades sa inner roads.