“Calamansi Girl” ng Davao Del Norte, kinalugdan ng mga netizens

Imahe mula sa Facebook ni Jaypee Donasco

Labis na kinalugdan ng mga netizens ang inspiring story ng isang siyam na taong gulang na babaeng si Marian Rebucas na tinaguriang “Calamansi Girl” mula sa Panabo City, Davao Del Norte dahil sa video na nagpapakita ng paraan niya ng paghimok sa mga mamimili upang tangkilikin ang kanyang mga tindang calamansi.

Imahe mula sa Facebook ni Jaypee Donasco

Batay sa video post na ibinahagi ng mismong nakasaksing netizen na si Jaypee Donasco, isang guro sa North Davao Colleges, nakuha ang kanyang atensyon ni “Calamansi Girl” dahil punumpuno ng enerhiya ang sales talk nito sa mga dumaraang mamimili upang mabenta ang kanyang tindang mga calamansi. Ginagawa niya umano ito upang makatulong sa gastusin ng kanyang pamilya.

Makikita sa video na maliksing isinisilid nito sa supot ang mga nabebentang calamansi.

Dahil naging trending, nagbigay-daan ito upang maitampok ang bata sa magazine show na “Rated K” ni Korina Sanchez sa ABS–CBN Kapamilya Network noong Linggo ng gabi, Marso 10, 2019.

Bumuhos naman ang papuri ng mga netizens sa kasipagang ipinamalas ni “Calamansi Girl.”

“Galing naman ng batang iyan… sana pamarisan siya ng iba, lalo na ang mga taong kay lalaki ng katawan, ayaw magbanat ng buto, at gumagawa pa ng krimen.”

“Masipag! Aasenso sa buhay ang batang iyan dahil matiyaga at pursigido sa buhay. God bless sa iyo, Calamansi Girl!

“That’s the true attitude of a Filipino! Pagpalain ka nawa ng Panginoon. Sana ay magabayan ka pang maigi ng iyong mga magulang upang bumuti ang buhay in the near future!”

“Nakakahiya naman sa ibang tatamad-tamad at mga gumagawa ng krimen sa paligid! A true inspiring story!”

Ayon kay Sir Jaypee, natuwa lamang daw siya sa bata kaya kinuhanan niya ito ng video at inupload sa Facebook. Hindi naman daw niya akalaing agad na magtetrending ito sa social media.

Minsan pang pinatunayan ni “Calamansi Girl” na wala sa edad ang patuloy na pagsisipag at pangangarap sa buhay!

Panoorin ang naturang video via YouTube channel: