Bus operators sumusunod sa bagong sistema ng pagpasahod sa drivers, konduktor kahit nahihirapan

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Nasusunod naman nila ang bagong patakaran na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagpapasuweldo sa mga bus drivers at konduktor. Ito  ang ipinahayag ng grupo ng mga bus operators.

Sa bagong sistema – na tatapos sa boundary o commission system –  ay tatanggap na ng fixed salary na hindi bababa sa daily minimum wage at performance-based incentives ang mga tsuper at konduktor, bukod pa sa overtime pay, night differential at 13th month pay.

Sa gitna ng pagpapatupad ng bagong sistema, nagbabala si DOLE Secretary Silvestre Bello III na posibleng patawan ng parusa ang mga bus companies na lalabag dito, bagama’t wala naman siyang malinaw na sinabi kung ano ang katapat na kaparusahan sa hindi pagsunod sa bagong patakaran.

 

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Inamin ng Samahang Transport Operators ng Pilipinas o STOP na sinusunod nila ang kautusan ng DOLE ngunit nahihirapan umano sila sa pagbibigay ng suweldo.

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Atty. Juliet De Jesus, managing director ng STOP, ang dahilan kung bakit nahihirapan sila sa pagpapasweldo.

 “Napaka-unpredictable po kasi ‘yong traffic and then hindi po pupuwedeng mag-8 hours ang bus kasi sometimes, sa traffic po 3 oras nasa EDSA. Papaano pa gagawin mo doon sa isang driver na papalit? Kaya medyo mahirap po talaga,” paliwanag ni De Jesus.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Samantala, itinanggi naman ng Manibela – isang grupo ng mga bus drivers – na nasusunod ng bus companies ang bagong sistema sa pagpapasahod kaya ang hamon nila sa DOLE ay magtungo sa mga terminal ng bus upang malaman na may mga operators na lumalabag.

Hati naman ang opinyon ng mga bus drivers sa nasabing sistema ng pagpapasahod. May pumapabor at mayroon ding hindi.