Batas sa libreng Technical-Vocational Education nilagdaan na ni Duterte

Public doamain

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa libreng technical-vocational education na naglalayong matugunan ang job-skills mismatch at unemployment sa bansa.

Ayon sa ulat ng GMA, nilagdaan ni Duterte ang Republic Act 11230 o Tulong-Trabaho Act noong Pebrero 22.

Nakasaad sa Tulong-Trabaho Act na pagbubutihin ang technical-vocational skills ng mga Pilipino upang makasabay sa nagbabagong demand ng trabaho sa bansa.

Inaatasan ng batas ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palakasin nito ang iba’t ibang Technical-Vocational Education and Training (TVET) at magdagdag pa batay sa demand ngayon ng mga trabaho.

Public Domain

Magtatatag ng Tulong Trabaho Fund na manggagaling sa pondo ng TESDA mula sa General Appropriations Act (GAA) para mas maraming Pilipino ang makinabang dito.

Gagamitin ito upang ilibre sa piling trainings ang mga kuwalipikadong aplikante ng TESDA Board.

Ang pondo ay pangangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na minsan nang pinamunuan ni Senador Joel Villanueva, ang may-akda ng batas.

Kabilang sa mga kwalipikadong makapag-a-avail nito: (a) ang sinuman na at least 15-anyos, hindi nag-aaral, hindi nagti-training, at walang trabaho (b) kasalukuyang nagtatrabaho na may layuning i-develop at palawakin ang kanyang kasanayan at training.

Hindi saklaw ng batas ang mga manggagawa sa mga kompanya o industriya na sinasanay ng kanilang employers.

“With the signing of Tulong-Trabaho Law, we look forward to TESDA producing more tech-voc graduates and become skilled workers that our labor market needs,” ayon kay Villanueva.

May 60 araw ang TESDA  para maglabas ng  implementing rules and regulations ng batas na magkakabisa matapos ang 15 araw matapos mailathala ito sa Official Gazette o pahayagan para sa general circulation.

Panoorin ang ulat na ito ng ANC para sa iba pang detalye: