BanKo, takbuhan ng mga maliliit na negosyante na umiiwas sa “5-6”

Imahe mula sa Facebook page ng BanKo

Marami sa mga negosyanteng Pilipino ang “kapit-sa-patalim” sa pangungutang ng puhunan sa mga “5-6” lenders, na karamihan ay Indian nationals, dahil napakahirap mangutang sa mga malalaking commercial banks.

Beinte poryento ang interes na ipinapataw ng mga 5-6 lenders na kalimitang kailangang bayaran sa loob lang ng 45 dayS o isa’t kalahating buwan. Kaya naman ang malaking bahagi ng tinutubo ng mga maliliit na negosyante ay napupunta lang sa pagbabayad ng interes.

Imahe mula sa Facebook page ng BanKo

Sabi nga ng isang maliit na negosyante na na-interview ng ABS-CBN, hindi siya makapasa sa standards ng malalaking bangko kaya napipilitan silang tumakbo sa 5-6 lenders.

“Hindi kami makapasa sa standards so saan kami kakagat? Eh ‘di doon po sa 5-6… isang araw lang. Pero ang laki po ng tubo, 20 percent, doon na lang napupunta ang kinikita,” ani Nenita Mamaril na isang cassava cake vendor.

Bilang pagkilala sa mga pangangailangan sa puhunan ng mga maliliit na negosyante o ang tinatawag na self-employed micro-entreprenuers (SEMEs) ay itinatag ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ang “BanKo” na ang pangunahing misyon ay makapag-alok ng loan sa mga SEMEs sa mababang interest lang.

Imahe mula sa Facebook page ng BanKo

Sa ngayon ay mayroon nang 200 branches sa buong kapuluan ang BanKo at may plano na magbukas pa ng karagdagang 100 branches upang mas maraming SEMEs pa ang kanilang mapagsilbihan.

Nito lang Martes, ika-12 ng Marso, ay binuksan ang 200th branch ng BanKo sa Los Baños, Laguna.

“We felt that there is a need for this service in this segment that’s why we’re expanding,” pahayag ni Jerome Minglana, BanKo president.

Imahe mula sa Facebook page ng BanKo

Ang mga SEMEs ay maaaring makautang sa BanKo ng halagang mula P25,000 hanggang sa maximum na P300,000 na mayroong interest rate na 2 to 3 percent monthly. Simple lang ang hinihinging requirements sa mga nais mangutang ng puhunan – mayor’s permit o barangay permit at isang valid ID.

Sa loob lang ng pitong araw ay maaari nang ma-release ang loan kapag nakumpleto ang hinihinging requirements.