Babaeng napagkakamalang nasa 20s kahit 41-anyos na, nagbahagi ng kanyang beauty secret

Larawan mula sa Instagram account ni Lure Hsu

Simula nang lumabas si Lure Hsu, isang Taiwanese, sa telebisyon upang magbigay ng mensahe para sa kanyang kapatid na celebrity, hindi na nakalimutan ng mga nakasaksi ang angking ganda niya na pang 20-anyos daw kahit 41 taong gulang na siya.

Tila napaganda ang pag-imbita ni Sharon Hsu, kapatid ni Lure, sa kanyang ate sa entertainment show niya dahil naging instant online sensation si Lure at lumobo ang following ng kanyang social media pages.

Nagtataka tuloy ang marami, kung hindi ba tinatablan ng stress sa buhay at trabaho si Lure na isang interior designer.

Larawan mula sa Instagram account ni Lure Hsu

Sa isang panayam sa The Asian Parent, ibinahagi ni Lure ang kanyang beauty regimen at kung paano niya napapanatiling maganda at parang bata ang kanyang kutis at hubog ng pangangatawan.

Mayroon siyang mga ginagamit na beauty products na normal din namang bahagi ng pag-aalaga sa balat ng mga babaeng ka-edad niya, tulad ng moisturizer, vitamin C supplements, collagen pills, at sunscreen lotion.

Ibinahagi niya rin na malaking dahilan ng kanyang youthful beauty ang healthy lifestyle — ‘di gaanong pagkain ng karne, fibrous diet, pagkain ng gulay at prutas, pag-inom ng maraming tubig, at regular na ehersisyo.

Naniniwala rin si Lure na ang pag-inom niya ng black coffee tuwing umaga ay nagbibigay sa kanya ng glowing skin.

Ngunit kung mayroon daw isang malaking sekreto sa batang hitsura ni Lure, ito raw ay ang genes ng kanilang pamilya dahil ang kanyang ina ay lagi rin daw napagkakamalang mas bata sa kanyang edad.

Isang dating dance teacher si May Wang, ang ina nina Lure at Sharon, na ngayon ay unti-unti na ring gumagawa ng pangalan online dahil ang 63-anyos na ginang ay halos kasingbata lang ng mga anak niya kung titignan.

Larawan mula sa Instagram account ni Lure Hsu

Payo ni Lure sa mga gustong magkaroon ng mas batang itusra, kailangan daw ay mayroon kang kumpiyansa sa sarili at marunong maglibang nang sa gayon ay hindi lang physical appearance ang bumabata kundi maging ang puso at isipan.