Ang Paghaharap: Charo ‘kinumpronta’ si Vice Ganda kaugnay sa mga ‘jokes’ nito patungkol sa kanya

Larawan mula sa YouTube

Sa unang pagkakataon ay naging guest ni Vice Ganda sa kanyang talk show na Gandang Gabi Vice (GGV) ang chief content officer ng ABS-CBN, host at aktres na si Charo Santos-Concio; kung saan nagkaroon ng palitan ng hirit ang dalawang pamosong Kapamilya stars.

Naging highlight ng guesting ni Concio sa GGV ang pabirong pagkompronta niya kay Vice Ganda dahil sa madalas na panggagaya ng komedyante sa kanyang boss sa iba’t ibang programa at konsiyerto nito.

Larawan mula sa YouTube

“Gusto ko kasing malaman lang kung… may sama ng loob ka sa akin?” malumanay na tanong ni Concio sa ninenerbyos na si Vice Ganda.

“Yung una mong concert sa Araneta, at dun sa mga susunod pa, bakit palagi mo akong pinaglalaruan? Masakit e. Ni hindi ka nga nagpapaalam sa akin?” pagpapatuloy ni Concio.

Agad namang dumepensa si Vice Ganda at sinabing wala siyang kinalaman sa mga skit niya sa concert at mga writers niya ang gumawa ng script.

“Kung sa pakiwari n’yo po ay napaglalaruan ko kayo sa mga palabas ko pag ginagaya ko kayo o nababanggit kayo, ‘yun din po ang nararamdaman ko na parang napaglalaruan ako ng mga writer,” pabirong sagot ni Vice Ganda kay Concio.

Kinuha na rin ni Vice Ganda ang pagkakataon upang ‘humingi’ ng paumanhin para sa kanyang mga writers sa pagdawit kay Concio sa mga biro niya noon.

“In behalf of my staff, I would like to ask, personally, for an apology,” hirit ni Vice Ganda habang itinuturo ang mga katrabaho sa show.

Larawan mula sa Instagram account ni Charo Santos

Gayunman, matapos ang paliwanagan, nilinaw ni Concio na nagbibiro lamang siya at hindi naman talaga sumama ang loob niya sa komedyante.

“Pero Vice, I just want to assure you, you have not done anything offensive towards me,” sabi ni Concio na ikinatuwa naman ni Vice Ganda.

Dumalaw si Concio sa GGV upang mag-promote ng kanyang bagong pelikulang ‘Eerie’ kasama si Bea Alonzo.