Anak ng isang welder, nagtapos na “magna cum laude” sa kolehiyo




Larawan mula sa official Facebook page ng The Filipino Channel o TFC

Kapag pinagsama ang sipag at determinasyon, walang imposible sa pag-abot ng mga pangarap!

Pinatunayan iyan ng 20 taong gulang na anak ng isang welder na si Nico Valera na nakapagtapos sa kursong “Bachelor of Science in Secondary Education Major in Mathematics” sa Bacolod City College bilang “magna cum laude”.

Iniidolo ng kanyang mga kaklase, at maging ng kanyang mga propesor ang binata dahil mahusay siya sa Matematika.

Ayon sa kanyang mga guro, hanga sila kay Nico lalo’t hindi nito ipinagdaramot ang katalinuhang taglay sa kanyang mga kaklaseng nahihirapan sa kanilang aralin. Nagbibigay siya ng panahon upang matulungan ang mga kaklase pagdating sa ilang mga usaping pang–Math.

Larawan mula sa official Facebook page ng The Filipino Channel o TFC

Isang welder ang kanyang ama habang utility worker naman ang kaniyang ina na kapwa todo-kayod upang maitaguyod lamang ang anak sa pag–aaral. Masayang–masaya sila sa pagtatapos ng anak sa kolehiyo, at bonus pa ang parangal na natamo nito.

Gaya ng ibang tipikal na kabataan, isa sa mga hilig ni Nico ang paglalaro ng computer games, subalit nililimitahan lamang niya ang oras para dito at mas pinaglalaanan ng oras ang pag-aaral kapag nasa bahay na at walang klase.

Hindi rin nahilig sa cellphone si Nico. Aniya, masasayang lamang ang oras niya sa social media.

Ngayong nakatapos na, sunod namang pinapangarap ni Nico ang maging topnotcher sa board exams, bagay na hindi imposible, kung ipagpapatuloy lamang niya ang ibayong sikap at determinasyong likas na sa kanya.

Pinuri naman ng mga netizens ang nakamit na tagumpay ni Nico.

“Totoo na ang pag-angat at pag-asenso ay galing sa sarili at hindi inaasahan sa ibang tao. Congrats!”

“Congrats! You did a good job!”

Larawan mula sa Google Image Public Domain

Ang “magna cum laude” ay salitang Latin na isang academic honor distinction na nangangahulugang “with great honor” na ipinagkakaloob sa isang mag–aaral na magtatapos sa kolehiyo, at nakaabot ang mga marka sa pamantayan nito. Ang pinakamataas na parangal ay tinatawag na “summa cum laude” na nangangahulugan namang “with highest honor.”

Pagbati sa iyo, Nico! Dapat kang tularan ng mga kabataang tulad mo!