Aircon system ng LRT-2 train sinimulan nang palitan ng bago

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Maraming pasahero ang natuwa dahil malamig ang nasakyan nilang tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na mula sa Recto, Manila hanggang Santolan sa Pasig.

Isang otsenta-anyos na pasahero na nakapanayam ng ABS-CBN ang nagsabi na matagal na siyang sumasakay ng tren ng LRT pero ngayong lang daw siya nakasakay sa malamig na bagon.

Ito ay dahil sinimulan na ng pamunuan ng LRT ang pagkakabit ng bagong airconditioning units sa 10 tren ng LRT-2. Kung noon ay hanggang 28 degrees Celsius lang ang lamig ng aircon ng mga tren nito, ngayon ay kaya nang umabot mula 19 hanggang 15 degrees Celsius ang lamig.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ayon kay LRT Administrator Reynaldo Berroya, aabutin ng P351 milyon ang kabuuang halaga ng mga ikakabit na bagong airconditioning units sa 10 train sets. Nakatipid na raw ang pamahalaan dito dahil ang kanilang inisyal na projection ay mahigit P500 million ang magagastos.

Eighty airconditioning units lahat ang nabili ng LRT mula sa South Korea-based Multiscan Corp.-MRail Inc. Joint Venture o walong units kada 4-coaches train set.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sinabi pa ni Berroya na kokonsumo ng limang araw ang pagkakabit ng aircon sa bawat isang train set kaya mababawasan ng isa ang tumatakbong tren na inaasahang magdudulot ng kaunting inconvenience sa mga pasahero.

Paisa-isa lang daw na kakabitan ng bagong aircon ang  mga tren kaya naman umapela ng pang-unawa ang pamunuan ng LRT. Inaasahang matatapos ang paglalagay ng mga iyon sa ika-20 ng Abril.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Kaunting sakripisyo lang daw kapalit ng mahabang ginhawa na hatid ng malamig na tren. Aabutin daw ng 15 years ang serbisyo ng mga bagong airconditioning unit na environmental friendly pa dahil makasusunod daw ang mga iyon sa CleanAir Act.

Wala namang pagtaas ng pamasahe na gagawin kaugnay ng pagpapalamig sa mga tren.

Source :

ABS-CBN, Inquirer, PNA