Agot Isidro sa Senado: “Daming dapat tutukan, bagong building ang pinagkakaabalahan?”

Mga imahe mula sa Instagram account ni Agot Isidro/Google Image Public Domain

Isa sa mga artistang matapang na nagpapahayag ng kanyang mga komento at saloobin hinggil sa mga isyung pampulitika ay ang mahusay at premyadong aktres na si Agot Isidro.

Walang takot niyang ginagamit ang kanyang mga social media accounts tulad ng Facebook, Instagram, at Twitter upang maipahatid at maibulalas ang kanyang damdamin; sukdulang magalit pa sa kanya ang mga netizens na taliwas sa kanyang mga opinyon at paniniwala.

Mga imahe mula sa Instagram account ni Agot Isidro

Panibagong Twitter post na naman na naglalaman ng komento ni Agot hinggil sa Senado noong Marso 20, 2019 ang usap-usapan ngayon ng mga netizens. Tungkol ito sa pagpapatayo ng bagong gusali para sa Senado na nasa Bonifacio Global City o BGC sa Taguig na lubhang ginastusan.

Para kay Agot, hindi ito napapanahon at marami pang dapat tutukan tulad ng suliranin sa tubig, trapiko, tigdas, seguridad sa pagkain, at kahirapan. Bakit ang pagpapagawa pa raw ng panibago at mamahaling building o gusali ang kanilang pinagkakaabalahan?

“Sorry to say that these senators are soooo out of touch. A new building is of utmost priority? Really? Hindi ba, Water. Traffic. Measles. Food Security. Poverty. To name a few. But no, eto talaga ang pinagkakaabalahan?”

Imahe mula sa Twitter account ni Agot Isidro

Agad namang nagkomento rito ang mga Twitter netizens. Marami ang pumanig kay Agot at may ilan ding nagtanggol sa Senado.

“The country doesn’t need a world class Senate building… what the country needs are world class Senators.”

“Exactly. Hindi naman building ang kailangang ipaayos para tumaas ang integridad ng senado. ‘Ika nga, aanhin ang bahay na bato kung ang nakatira ay kupal este kuwago pala?”

“Naks concern si Madam Agot… kinilabutan ako doon huh, ahahahahaha…. ok lang yun, di naman sila lang makikinabang noong new senate building. Malay mo, next congress kasama si Bebe Florin mo na mag–ooffice doon.”

“Hindi po lahat kailangang ibigay ng gobyerno sa sambayanan. Huwag po tayo magpahalata kung gaano tayo katamad at reklamo nang reklamo na lang. Kaya ‘di umuunlad eh.”

Samantala, hindi pa naman naglalabas ng panig ang Senado hinggil sa isyu.