24/7 public libraries sa buong bansa, isinusulong




Larawan mula sa Facebook account ni Mayor Tommy Osmeña at Pexels

Nais ni Senate local government committee chairman Juan Edgardo “Sonny” Angara na magkaroon ng mga public libraries sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong Pilpinas nang sa gayon, ay matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral na kailangang magsaliksik para sa kanilang pag-aaral.

Hinimok ni Angara ang mga alkalde ng iba’t ibang lalawigan at lungsod sa bansa na bigyang-pansin ang kakulangan ng mga pampublikong aklatan sa Pilipinas na kayang magbigay ng mga makabuluhang babasahin at libreng access sa WiFi na malaking tulong umano sa pag-aaral ng mga Pilipino.

Larawan mula sa Facebook account ni Mayor Tomas Osmeña

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, maliban sa access sa mga babasahin at WiFi, mas makatitipid pa raw ang mga estudyante kung sa mga library na lamang pupunta kaysa sa mga coffee shop at fast food restaurants upang doon gumawa ng kanilang schoolwork.

“Providing a 24-hour library ensures that students can study in a flexible manner at a place that is condusive and hassel-free instead of going to coffee shops or fast food chains where they need to shell out money for food and drink so they will be allowed to gain Internet access and get their schoolwork done,” ayon sa senador.

Dagdag pa ni Anggara, dapat daw ay magsilbing inspirasyon sa lider ng lokal na pamahalaan ang kauna-unahang 24/7 public library sa bansa, ang Cebu City Public Library.

Batay sa inilabas na ulat ng lokal na pamahalaan kaugnay sa public library sa Cebu, lumago sa 103,000 katao ang bumisita sa nasabing aklatan nitong 2018 kumpara noong 2017 na mayroon lamang 26,000 bisita  — 296 porsiyentong pagtaas.

Larawan mula sa Facebook account ni Mayor Tomas Osmeña

Nag-umpisang gawing 24/7 ang operasyon ng public library sa Cebu dahil sa nabasang komento ni Mayor Tomas Osmeña sa Facebook mula sa isang engineering student na sana ay magkaroon ang kanilang lugar ng isang aklatan na maaaring puntahan kahit gabi na.

Maliban sa Cebu, nagbukas na rin ng kanilang 24/7 library ang Makati at Quezon City, at umaasa si Senador Anggara na mas madaragdagan pa ito sa mga susunod na taon.