TNT Boys, sinorpresa ni Ariana Grande sa “The Late Late Show with James Corden”




Image capture mula sa YouTube channel

“Dream come true” para sa pambato ng Pilipinas na TNT Boys na makaduet ang kanilang paborito at idolong American pop singer na si Ariana Grande noong Miyerkules, Pebrero 20, 2019 sa talk show na “The Late Late Show with James Corden” matapos ang “surprise appearance” nito.

Sa video na inilabas noong Miyerkules sa social media pages ng British host na si James Corden, mapapanood ang pagbisita at panayam sa TNT Boys na binubuo nina Keifer Sanchez, Mackie Empuerto, at Francis Concepcion sa naturang programa; gayundin ang sorpresang pagdalaw ng iniidolo umano nilang si Grande.

Bago umawit, nakapanayam muna ni Corden ang TNT Boys. Inakala umano ni Corden na noong una niyang makaharap ang TNT Boys, tila nagbighani sa kanya si Concepcion. Inakala raw niya na kaya ganoon ang reaksyon ni Concepcion ay dahil sikat siya sa Pilipinas, ngunit iyon pala ay dahil nakilala na ni Corden si Grande.

“My favorite thing about meeting you guys was when you had just performed on stage and there was a commercial break and I came over, and I came to meet you, Francis, and you went like this… ‘Oh my God, oh my God’. I was like, I thought ‘I’m huge in the Philippines, I’ve got all these fans’… And I went ‘hi’ and your first words were, ‘You’ve met Ariana Grande,’” kuwento ni Corden.

“Ariana Grande is my favorite singer. I love Ariana Grande’s voice and I love her attitude,” sagot naman umano ni Concepcion.

Image capture mula sa YouTube channel

Habang nagaganap ang panayam, hindi alam ng TNT Boys na pinanonood na sila ni Grande mula sa isang monitor sa backstage.

Sa gitna ng pag-awit ng TNT Boys ng “And I Am Telling You I’m Not Going” mula sa musical na “Dreamgirls,” biglang lumitaw si Grande at sinabayan sila pag-awit. Labis itong ikinagulat ng TNT Boys, lalo na si Concepcion. Sa pagwawakas ng kanta, lumuhod at nag-bow pa sa kanila si Grande.

Image capture mula sa YouTube channel

“I’m obsessed with you guys, you guys are so incredible,” pagbati ni Grande sa TNT Boys.

Nagkaroon din ng “meet and greet” moment ang TNT Boys kay Grande backstage, kung saan nagpaunlak ang American singer na makipag-selfie sa tatlo. Inamin ni Grande na kung nagulat ang TNT Boys sa kanyang sorpresa, kabado naman siyang makaharap ang mga ito.

Kasalukuyang kalahok ang TNT Boys sa “The World’s Best,” pang-apat na international talent show na kanilang nilahukan pagkatapos ng “Little Big Shots” sa America, United Kingdom at Australia.

Panoorin ang naturang video mula sa YouTube channel ng “The Late Late Show with James Corden”: