Throwback: Ang pinakaunang “Mara Clara”




Mga larawan mula sa Memories of Old Manila at Wikipedia

Sadyang mahilig manood ng soap opera,  telenobela o teleserye ang mga Pilipino, at kung tatanungin ang mga manonood kung anu–anong mga dramang pantelebisyon ang tumatak sa kanila, isa sa mga mababanggit ang soap operang  “Mara Clara” ng ABS–CBN.

Tiyak na “relate–much” dito ang mga batang 90’s lalo’t muling napa-throwback ang mga ito dahil sa isang lumang larawan nina Mara at Clara kasama sina “Almira” at “Amante” sa Facebook page na Memories of Old Manila noong Pebrero 8, 2019.

Mga larawan mula sa Memories of Old Manila

Ang Mara Clara ay umikot sa buhay nina Mara (Judy Ann Santos) at Clara (Gladys Reyes). Nang sila ay maipanganak, sila ay napagpalit sa ospital, at ang lahat ng ito ay nakatala sa isang diary na isinulat ni Kardo, na ginampanan ni Dan Fernandez. Si Mara, na tunay na anak ng mayamang mag–asawang sina Almira (Beverly Vergel) at Amante (Juan Rodrigo) Del Valle, ay lumaki sa hirap sa poder nina Dado (Eruel Tongco/William Martinez) at Susan (Susan Africa) na siyang tunay na mga magulang ni Clara, na lumaki namang mariwasa ang buhay sa mga Del Valle. Nagkrus ang kani–kanilang mga landas dahil namasukan bilang katulong si Mara sa tahanan ng mga Del Valle. Katakot–takot na pagpapahirap ang ipinatikim at ipinaranas ni Clara kay Mara. At dahil walang lihim na hindi nabubunyag, naisiwalat ang buong katotohanan sa kanilang pagkatao sa pamamagitan ng diary.

Pumatok sa masa ang naturang soap opera. Sa katunayan, umere ito sa loob ng halos limang taon (1992 hanggang 1997). Ibinuod pa ito sa pamamagitan ng pelikula sa ilalim ng Star Cinema noong 1996.

Noong 2010, nagkaroon ito ng remake na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo bilang Mara at Julia Montes bilang Clara na nagdulot sa kanila ng napakalaking break sa showbiz.

Sa tunay na buhay, matalik na magkaibigan sina Juday at Gladys. Pareho na rin silang may kani–kaniyang pamilya. Paminsan–minsan ay nagkikita at nagkakaroon ng reunion ang dalawang mahusay na artista upang makapagbonding kasama ang kanilang mga anak.

Mga larawan mula sa Memories of Old Manila

Samantala, ating panoorin ang music video ng “Mara Clara the Movie” via YouTube channel: