Provincial buses bawal na sa EDSA simula Abril




Imahe mula sa Wikimedia Commons

Sa hangarin na maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA ay tuluyan nang ipagbabawal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga provincial buses na dumaan doon simula sa buwan ng Abril ngayong taon.

Sa oras na maging puspusan na ang provincial bus ban sa EDSA ay hindi na makakapasok sa EDSA ang mga provincial buses at sa halip ay sa mga terminal sa labas ng Metro Manila sila maaaring magbaba ng mga pasahero.

Matatandaang noong isang taon pa binalak ng MMDA na ipagbawal sa EDSA ang mga provincial buses mula sa norte ngunit nasuspinde ang pagpapatupad niyon sa dahilang hindi pa handa ang operasyon ng Valenzuela Gateway Complex Central Integrated Terminal sa Paso De Blas, Valenzuela City.

Imahe mula sa Twitter page ng Valenzuela City

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na tuloy na sa Abril ang provincial bus ban.

Aniya, ang mga pasahero mula sa norte ay kailangang bumaba sa Valenzuela Gateway Complex Central Integrated Terminal at mula roon ay lilipat sila sa mga city buses na patungo naman sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ang mga provincial buses naman mula sa south  ay sa integrated terminal sa Sta. Rosa, Laguna maaaring magbaba ng mga pasahero at mula roon ay sasakay ang mga pasahero sa mga city buses patungong Metro Manila.

Bukod sa integrated bus terminal sa Sta. Rosa ay nariyan din ang Parañaque Integrated Terminal Exchange, na nasa pagitan ng Diosdado Macapagal Boulevard at CAVITEX, para sa mga provincial buses.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Ayon pa sa general mananger ng MMDA, unti-unti na rin nilang ipasasara ang mga terminal ng provincial buses na nasa kahabaan ng EDSA. Batay sa datos ng ahensiya ay nasa 46 lahat ang bilang ng mga nabanggit na terminal.

Lalagyan na rin ng bakod ang kahabaan ng EDSA maliban na lang sa mga itatalagang loading and unloading areas.