PNP binuhay ang kampanya laban sa di-awtorisadong paggamit ng “wang-wang”




Imahe mula sa Carmudi

Muling binuhay ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra sa hindi awtorisadong paggamit ng sirena ng sasakyan  o ‘yung tinatawag na “wang-wang” at mga blinkers o flashing devices.

Ayon sa ulat ng Inquirer, mahigpit na nagbilin at nagpaalala si PNP Chief Oscar Albayalde sa PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) hinggil sa umiiral na pagbabawal sa paggamit ng wang-wang at blinkers na hindi awtorisado ng batas.

Imahe mula sa Carmudi

“We are moving forcefully against the indiscriminate use of prohibited sirens, bells, horns, whistles, or similar gadgets that produce staggering sounds; as well as illegal domelights, signaling or flashing devices,” babala ni Albayalde.

Ang wang-wang at blinkers ay kadalasang ginagamit ng mga pasaway na motorista upang makasingit sa daloy ng trapiko.

Sa ilalim ng Presidential Decree number 96, ang mga sirena at flashing devices ay maaari lang gamitin sa mga sasakyan na nakalaan para sa official use ng pulisya, militar, National Bureau of Investigation, Land Transportation Commission, Fire Departments at ambulansiya ng mga ospital.

Ang muling pagbuhay sa kampanya laban sa wang-wang ay bunsod ng mga ulat na ilang kandidato para sa midterm elections sa buwan ng Mayo ang gumagamit ng mga iyon sa kanilang pangangampanya. Ilang sasakyan na pag-aari umano ng isang kandidato sa pagka-senador ang nakitang gumagamit ng mga sirena at blinkers.

Imahe mula sa Sonshine radio

Nanawagan naman sa publiko si PNP-HPG Director Chief Superintendent Roberto Fajardo na huwag iboto sa darating na halalan ang mga kandidatong ilegal na gagamit ng mga wang-wang. Sinabi pa niya na kapag nakita nilang may wang-wang ang sasakyan ng sinumang kandidato ay agad nila iyong babaklasin.

 At kung tatanggi umano ang driver ng sasakyan ay ii-impound nila iyon.

Binalaan din  ni Fajardo ang mga pulis na magsa-sideline bilang escorts ng mga VIP. Agad umano niyang ipasisibak sa serbisyo ang mga lalabag.

Source :

Inquirer, RMN, ABS-CBN