Pag-uwi ng Pinay nurse naunsyami matapos masangkot sa “baby switching” sa Saudi




Imahe mula sa Pixabay

Last day na sa trabaho ng isang Filipina nurse sa Saudi Arabia dahil nakatakda siyang umuwi sa Pilipinas, ngunit naunsyami ang kanyang pagbabalikbayan dahil sa pagkakasangkot niya sa insidente ng baby switching sa ospital na pinapasukan.

Ayon sa ulat ng GMA, ang Pinay nurse na itinago sa pangalang “Gina” ay sa isang pagamutan sa Jeddah nagtatrabaho at nakatakda na sana siyang umuwi ng bansa nang mangyari ang aksidenteng pagkakapalit ng mga sanggol ng dalawang inang nanganak doon.

Sa isang panayam, sinabi ni Gina na siya ang sinisisi ng ospital sa baby switching na nangyari at inakusahan siya ng “negligence” na nauwi sa pagkakasuspinde sa kanya sa kabila ng last day na niya iyon sa trabaho.

Imahe mula sa The Bump

“Yun po, sinasabi nila na ako ang may kasalanan, pero hindi naman ako ang nagbigay ng bata. Ako daw ang nagpalit ng bata, hindi naman ako aware na napalit ang bata dahil ang dami ko talagang trabaho. Sampu ang bata at dalawang bagong silang … ang hirap po mag-isa po,” anang Pinay nurse.

Kuwento ni Gina, dalawa silang naka-duty nang maganap ang insidente pero iginigiit umano ng ospital na siya lang ang naka-duty batay sa kuha ng CCTV camera sa mga oras na tinatayang nangyari ang pagkakapalit ng dalawang sanggol.

Pinatigil muna sa trabaho si Gina habang isinasagawa ang imbestigasyon. Posible umanong umakyat sa Saudi Ministry of Health ang kaso niya.

“Baka raw magpunta ang Ministry of Health at tanungin kung ano ang ginawa nilang aksyon about dun sa case na ‘yun. Kaya pinapirma nila ako na stop work muna ako in the meantime. I-update na lang daw nila ako sa development,” ani Gina.

Ngunit mahigit isang buwan na ang lumipas ay wala pang update sa kaso niya kaya dumulog sa siya sa grupong “Kaagapay ng Bawat OFW” na nagsabing lapitan niya ang Overseas Workers Welfare Administration Office.

Imahe mula sa OWWA

Ayon kay OWWA Welfare Officer James Mendiola, hindi na maghahabol ang mga ina ng mga sanggol kung ire-refund ng ospital ang ibinayad nila.

“Ang desisyon sa kanila, hati sila ng ospital dun sa pag-refund, 50-50 sila ng ospital, ang amount na sinabi ay Riyal 10,000 (tinatayang P138,874) bawat isa,” sabi ni Mendiola.

Susubukan namang pakiusapan ni Labor Attache Nasser Munde ang ospital na huwag nang singilin si Gina.

“Ine-negotiate natin sa ospital. Alam naman natin ang financial capabilities ng worker, maliit lang ang buwanang sahod, at since may pagkukulangan din ang ospital dahil under staff, tapos pinapagtrabaho pa siya kahit na nagpasabi na siya ay uuwi na,” ayon kay Mendiola.