“No vaccination, no enrollment policy” kinokonsidera ng DepEd sa public schools




Imahe mula sa Aljazeera video

Kinokonsidera Department of Education ang “No vaccination, no enrollment policy” sa mga pampublikong paaralan.

Ito’y kasunod na rin ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng tigdas na naitatala sa bansa, ayon sa ulat ng Pilipino Star.

Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, iminumungkahi ng Department of Health (DOH) na ipatupad ang nasabing polisiya dahil sa outbreak ng tigdas sa bansa.

Wika ng Kalihim, nangangailangan ng konsiderasyon sa kanilang ipatutupad na polisiya ang karapatan ng mga mag-aaral.

“As much as there is a growing need to reinvigorate the campaign for the importance of vaccination, the proposed policy must take into consideration the human rights of learners, especially their access to quality basic education,” ani Briones.

Imahe mula sa Aljazeera video

Nakahanda namang magpalabas ng mga panuntunan ang ahensiya kung sakaling tuluyang maipatupad ang “No vaccination, no enrollment policy.”

Ilan dito ang pagbibigay ng consent form at evaluation form na tutukoy sa mga mag-aaral bilang “vaccinated,” “doubtful,” at “not vaccinated.”

Nais din ng ahensiya na beripikahin ang mga school records at vaccination cards; mangangalap at magbabahagi ng mga datos ng bilang ng mga batang apektado na ng tigdas; makikipag-ugnayan sa mga health center staff sa mga mag-aaral na absent at sa mga magulang na hindi nagbigay ng pahintulot sa pagbabakuna.

Ipa-follow-up din ang mga estudyante na hindi nabigyan ng bakuna at ‘yung nagnanais na sa pribadong doktor na magpapabakuna.

“Learners, parents, teaching and non-academic personnel, and stakeholders may rest assure that the department is working closely with DOH in monitoring measles cases and in strengthening efforts to combat the disease,” ani Briones.

Imahe mula sa Aljazeera video

Sa tala ng DOH, humigit-kumulang na 11,459 ang may contracted measles habang 189 ang sinawimpalad dahil sa sakit mula Enero 1 hanggang Pebrero 20 ngayong taon.

Naitala sa National Capital Region (NCR) ang pinakamataas na kaso ng tigdas sa 2,936 at 52 ang sinawimpalad kasunod ang Calabarzon na may 2,635 kaso at 61 ang yumao. Kabilang sa mga ito’y walang immunization sa tigdas.

Nauna nang nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa Calabarzon, Metro Manila, Central Luzon, Western Visayas, at Central Visayas.