Nike umani ng batikos matapos mawarak ang sapatos ni Duke star Zion Williamson sa gitna ng laban




Imahe mula sa Inside Edition video via You Tube

Umaani ngayon ng batikos ang kumpanyang Nike matapos mawarak ang sapatos ng Duke star player na si Zion Williamson sa kasagsagan ng laban ng kanilang koponan noong Miyerkules.

Maliban sa pagkasira ng sapatos, nagtamo din ng Grade 1 right knee sprain si Williamson at pinaupo na lamang; 36 na segundo pa lamang ang nakalilipas sa kanilang laban sa University of North Carolina, ayon sa ulat ng Inquirer.

Sa video ay mapapanood ang paghiwalay ng suwelas ng suot na Nike hightops ni Williamson. Dahil sa nasabing insidente hindi na nakabalik si Williamson sa laro.

Agad namang nag-react ang maraming netizens at sinabing dapat humingi ng paumanhin ang Nike dahil sa nangyari.

Samantala, bumaba umano ang stock ng Nike nang mahigit 1%. Ayon sa isang analyst, inuugnay ito sa insidente ng pagkasira ng sapatos ni Williamson.

“This is embarrassing for Nike, but will have no material impact on the business,” ani Matt Powell, analyst ng NPD Group.

Ang Nike ay may mataas na reputasyon sa paggawa ng mga premyadong sapatos at damit sa mga atleta ngunit namantsahan ang imahe nito sa pagkasira ng Nike PG2.5 ng Duke forward.

Imahe mula sa Twitter post ng Sports Center

Ang Nike ang eksklusibong nagsu-supply ng uniporme, sapatos at gear sa koponan ng Duke.

“The quality and performance of our products are of utmost importance,” ayon sa Nike. “While this is an isolated occurrence, we are working to identify the issue,” dagdag pa nito.

Kabilang sina LeBron James at Serena Williams na nag-eendorso ng Nike; gayundin ng ilang mga kilalang pro sports leagues, nangungunang college basketball at football teams na may malaking impact sa paglago ng naturang brand.

Naglaan ang Nike ng  $11.5-billion, para sa marketing at endorsement contracts noong 2018. Ang Nike at ang Jordan brand nito’y nag-sponsor ng 85 men’s and women’s basketball teams noong 2018 annual NCAA tournament.