Nasaan nga ba ang “Disneyland of the Philippines”?




Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Tunay na maipagmamalaki ng Pilipinas ang iba’t ibang magagandang tanawin sa buong panig ng bansa. Mula Luzon, Visayas, at Mindanao ay napakaraming mga tourist spots na talaga namang dinarayo ng mga turistang lokal at banyaga.

Bukod sa likas na magagandang beaches sa Boracay, Puerto Galera, Siargao, at Amanpulo, nariyan din ang mga pasyalang sadyang ginawa upang maging alternatibo tulad ng mga amusement parks. Sinong hindi nakakaalam sa Enchanted Kingdom sa Laguna, Star City sa Pasay, Sky Ranch sa Tagaytay, Manila Ocean Park sa Pasay, at Kidzania sa Taguig? Sa kabila nito, marami pa ring mga Pilipino ang nag–aasam na magkaroon ng “Disneyland” sa Pilipinas. Isa sa mga pangarap na pasyalan ng mga batang Pilipino ang “Disneyland”, sa Hongkong man, sa Japan o sa USA.

Kaya naman sinikap ng pamahalaan na magkaroon din ng “Disneyland” sa Pilipinas — ito ang “Fantasy World” sa Lemery, Batangas noong 2001.

Ibinahagi ng isang netizen sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang mga larawan ng Fantasy World na nagbukas sa kuryosidad ng iba pang mga netizens hinggil dito.

Ito ay inendorso ng Department of Tourism dahil sa magandang adhikain nitong maitaguyod at lalong mapalakas ang turismo sa bansa. Hindi mo na kailangang lumipad patungong Hongkong, Japan o Amerika.. Sa kasamaang–palad, hindi natapos ang paggawa rito dahil sa ilang mga kontrobersyang kinasangkutan ng orihinal na may–ari nito na isang negosyanteng Hapon. Napasakamay naman ang Fantasy World ng ECE Realty and Development hanggang sa kasalukuyan.

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Hindi naman nasayang ang napakalaki at napakagandang mga kastilyo at mga istruktura dito dahil dinarayo pa rin ito ng mga pamilya at magbabarkada upang magpakuha ng mga larawan. Sa kabila ng unti–unting pagkaluma ng mga kastilyo at iba pang mga istruktura, napanatili naman ng mga residenteng nakatira sa paligid nito ang kalinisan at kagandahan ng parke sa pamamagitan ng matiyagang paglilinis sa paligid nito.

Noong 2017, nagtayo ng iba’t ibang rides ang ECE Realty and Development sa loob ng vicinity nito ngunit hindi pa ito operational. Sa halagang P1,000, maaari nang makapasok ang 10 katao upang magselfie o groupie sa mga abandonadong kastilyo.

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Labis naman umano ang panghihinayang ng mga turistang nakapamasyal na rito. Balang araw, umaasa silang sa pagbabalik nila’y renovated na at opisyal nag tatawagin na “Disneyland of the Philippines” ang Fantasy World. Nanawagan sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ito, katulad ng nangyari sa Manila Bay, upang makatulong sa masiglang turismo sa bansa.

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ang “Fantasy World” ay minsan nang ginamit bilang shooting venue ng telefantasyang “Majika” na pinagbidahan nina Angel Locsin at Dennis Trillo sa GMA Kapuso Network.

Samantala, tara nang silipin ang ating ‘Disneyland’ sa video na ibinahagi ni Jay Kiseo sa kanyang YouTube channel.