Mga aktres na maipagmamalaki: “Super Mega Diamond Star for all Seasons” ng Philippine Showbiz




Mga larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Kung pag–uusapan ang lawak ng fan base ng isang artista, mangunguna sa listahan ang mga tanyag na aktres ngayon tulad nina Maine Mendoza, Marian Rivera, Anne Curtis, Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Nadine Lustre, Angel Locsin, at marami pang iba (salamat sa social media). Subalit bago pa man mauso ang iba’t ibang mga social media platforms na nagiging dahilan upang masundan ang “ganap sa buhay” ng mga sikat na artista, apat na beteranang aktres ang nag–aangkin ng apat na titulo sa Philippine Showbiz batay sa kanilang kasikatan, parangal at gantimpalang natamo, at bilang ng mga tagahanga mula sa kanilang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Apat na Stars

Sila ang apat na kinikilala at pinagpipitaganang mga batikan at award–winning actresses na sina “Superstar” Nora Aunor, “Megastar” Sharon Cuneta, “Diamond Star” Maricel Soriano, at “Star for all Seasons” Vilma Santos.

Larawan mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Makikita sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang throwback photos ng apat.

Noong kanilang panahon ay literal na nagkakaalitan ang kani–kanilang mga tagahanga at pilit silang pinagsasabong, subalit sa tunay na buhay, sila naman ay nagkakasundo at tagahanga ng isa’t isa.

Sino nga ba ang makalilimot sa mga pamosong linya na “Walang himala!” at “My brother is not a pig!”? Lahat ng iyan ay naging tatak na ni Superstar Nora Aunor. Itinuturing siyang “FAMAS Hall of Famer” at laging kabilang sa nominasyon at panalo sa mga award–giving bodies tulad ng Gawad Urian, PMPC Star Awards for Movies, Luna Awards, Young Critics Circle Awards, Metro Manila Fil Festival, Asia Pacific Screen Awards, Asian Film Awards, at marami pang iba.

Ilan sa mga tumatak na pelikula niya ang “Tatlong Taong Walang Diyos,” “Himala,” “Bona,” “Minsa’y Isang Gamugamo,” “Merika,” “Bulaklak sa City Jail,”  “The Flor Contemplacion Story,” “Thy Womb,” at napakarami pang iba.

Marami ring mga tagahanga ang nagmumungkahi at umaasam na maitanghal siya bilang “Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula”.  Napabilang din siya sa iba’t ibang teleserye gaya ng “Bituin” at “Onanay.”

Mga larawan mula sa Wikipedia

Si Megastar Sharon Cuneta naman ay kilala bilang mahusay na mang–aawit, premyadong aktres, talk show host, product endorser, at reality talent show judge. Itinuturing din siyang FAMAS Hall of Famer at Box–Office Queen dahil sa napakarami niyang parangal na natamo mula rito, bukod pa sa iba pang local at international award–giving bodies.

Hindi malilimutan ang kanyang mga pelikula tulad ng “Bituing Walang Ningning”, “Dear Heart”, “Bukas Luluhod Ang Mga Tala”, “Pasan Ko Ang Daigdig”,  “Maging Sino Ka Man”, “Pangako Sa’Yo”, “Madrasta”, “Crying Ladies”, “Magkapatid” at napakarami pang iba. Hanggang ngayon, bukambibig pa rin ang kanyang mga pinasikat na linya sa pelikula tulad ng “Ipinapangako ko, Inay, bukas luluhod ang mga tala…”. “I was never your partner… I’m just your wife”, “Gutay–gutay na ang katawan n’yo, pati na ang kaluluwa n’yo gutay–gutay na rin!” at marami pang iba.

Naging masalimuot man ang kanyang buhay–pag–ibig, happily married siya ngayon kay Senador Kiko Pangilinan kasama ang kanilang mga anak.

Mga larawan mula sa Wikipedia

Tunay ngang “brilyante” si Diamond Star Maricel Soriano na kilala rin bilang “Taray Queen” dahil hanggang ngayon, patuloy pa rin siyang kumikinang. Nagsimula ang kanyang movie career sa pelikulang “My Heart Belongs to Daddy” noong siya ay 6 na taong gulang pa lamang. Kabi–kabila rin ang mga natanggap niyang parangal bilang “Best Actress” sa local at international award–giving bodies tulad ng FAMAS, Gawad Urian, Gawad Tanglaw, Film and Television Achievement Awards,PASADO Awards, Golden Dove Awards, Asian TV Awards at napakarami pang iba.

Hindi lamang mahusay ang Diamond Star sa drama kundi maging sa komedya o pagpapatawa. Ilan sa mga tumatak mula sa napakarami niyang pelikula ang “John en Marsha”, “Saan Darating ang Umaga”, “Inday Bote”, “Pinulot Ka Lang Sa Lupa”, “Taray at Teroy”, “Super Inday and the Golden Bibe”, “Separada”, “Soltera”, “Mila”, “Inang Yaya”, “Filipinas”, at napakarami pang iba.

Napakaraming mga tumatak na linya ang Diamond Star tulad ng  “Ayoko ng masikip, ayoko ng walang tubig, ayoko ng mabaho, ayoko ng walang pagkain, ayoko ng putik”, “Get out of my house, I don’t need a parasite!”, at iba pa. Gumawa rin siya ng iba’t ibang sitcom sa ABS–CBN tulad ng “John en Marsha”, “John en Shirley”, at Bida si Mister, Bida si Misis.” Sa ngayon, kasama siya sa cast ng teleseryeng “The General’s Daughter” na pinagbibidahan ni Angel Locsin.

Mga larawan mula sa Wikipedia

Hindi man aktibo ngayon sa paggawa ng pelikula, abala naman ang Star for all Seasons Vilma Santos bilang isang certified public official sa Batangas. Hawak niya ang titulong “Grand Slam Queen”, “Queen of Queens”, at pinakamatagal na humawak ng titulong “Box–Office Queen” sa pinilakang-tabing.

Nagsimulang mapansin ang acting prowess ng Star for all Season nang aksidenteng mag-audition siya para sa pelikulang “Trudis Liit” kung saan siya ang napili, at pinalad pang maging “Best Child Performer.” Simula noon, napakaraming pelikula na ang kanyang pinagbidahan gaya ng “Aninong Bakal”, “Dyesebel at ang Mahiwagang Kabibe”, “Kampanerang Kuba”, “Burlesk Queen”, “Darna at Ding”, “Relasyon”, “T–Bird at Ako”, “Gaano Kadalas ang Minsan”, “Sister Stella L.”, “Anak”, “Bata Pata Pa’no Ka Ginawa”, “Dekada ’70”, “Everything About Her”, at napakarami pang iba.

Halos lahat ng award-giving bodies sa Pilipinas ay kinilala ang kanyang kahusayan sa pagganap. Sa katunayan, ginawaran siya ng FAMAS Lifetime Achievement Award dahil sa kanyang kontribusyon sa larangan ng pelikula. Kinilala rin ang kanyang pagganap sa isa sa mga episode ng “Maalaala Mo Kaya” na “Regalo” kasama si Maja Salvador. Ilan sa mga tumatak na linyang sinambit niya ang “Si Val! Si Val! Si Val na walang malay?!”, “Para kang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain”, “Kung walang kikilos, sino ang kikilos, kung hindi ngayon, kailan pa?”, “Wala akong ginagawang masama…”, “Ding, ang bato, dali… DARNA!”, at “Bakit ang mga anak pag nawalan ng magulang ang tawag sa kanila ulila, ang mag–asawa kapag nawala ang asawa nila ang tawag sa kanila balo… bakit kapag ang isang ina nawalan ng anak, walang tawag sa kanila?”

Nagkaroon ng anak sina Vilma Santos at Edu Manzano at ito ang mahusay na host na Luis Manzano. Happily married ngayon si Vilma kay dating Senador Ralph Recto.

Mga larawan mula sa Wikipedia

Kanya-kanyang saloobin naman ang mga netizens na mahihinuha mo nang Noranians, Sharonians, Vilmanians, at mga tagahanga ni Maricel. Narito ang ilang komento:

“Nora Aunor ako… mata pa lang, umaarte na!”

“Go Mega! Idol kita simula noon hanggang ngayon.”

“Diamond Star Maricel Soriano ako, mapadrama o comedy, ayos…”

“Vilma Santos is the best among the rest!” “Lahat sila magagaling at magaganda!”

Ikaw, Noranian, Sharonian, Maricelian, o Vilmanian ka ba?