Malaking piggery sa Cebu nadiskubreng sa dagat itinatapon ang dumi ng 10,000 baboy




Imahe mula sa Cebusite

Isang closure order ang inisyu sa isang malaking babuyan sa Cebu matapos madiskubre ang paglabag nito sa ilang environmental laws.

Naghain ng search warrant laban sa piggery ang pinagsamang puwersa ng Philippine Coast Guard, Environmental Management Board, National Bureau of Investigation, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Public Works and Highways dakong alas-sais ng umaga nitong Martes, ika-26 ng Pebrero.

“Bandang 6 a.m. yung operation. Pagdating namin doon, patuloy pa ‘yung pagdischarge. Pero ngayon, pinahinto na ‘yung operations ng piggery,” pahayag ni Lieutenant Junior Grade Michael John Encina ng Philippine Coast Guard.

Imahe mula sa video ng Sunstar

Ayon sa ulat ng SunStar, ang Multifarms Agro-Industrial Development Corporation sa Sitio Magtalisay, Barangay Sangat, San Fernando, ay may paglabag sa  Republic Act (RA) 8550 o ang Fisheries Code of the Philippines, at RA 9275 o ang Clean Water Act.

Hindi umano bababa sa 10,000 ang mga baboy sa nasabing piggery at ang mga dumi ng mga ito ay natuklasang diretsong itinatapon sa dagat na ipinadadaloy sa 400 metrong haba ng malalaking tubo na may 12 inches diameter.

Imahe mula sa DyLa Cebu

Napag-alaman din na nag-o-operate ang piggery nang walang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources Region 7 mula pa noong 1980’s.

Sasampahan ng kaso ang may-ari ng piggery at tatlo pang opisyal nito na sa kasalukuyan ay nakapiit sa headquarters ng NBI-Central Visayas.

Gagamitin bilang ebidensiya laban sa kanila ang 400 metro ng plastic pipe na pinagdadaluyan ng dumi ng mga baboy patungo sa dagat, ayon kay Encina.

Imahe kuha mula sa Sunstar

Sinira ng mga tauhan ng DPWH ang drainage system ng piggery upang hindi na iyon magamit pa.

“From the piggery itself, around 400 meters, direcho siya (pipe) sa shoreline.  Doon nila tinatapon (sa dagat). ‘Yan ‘yung nakakabahala kasi ‘yung dumi ng baboy, direcho tinatapon,” aniya.

Sinabi ni Encina na ang environmental bureau ng Philippine Coast Guard ay magsasagawa ng water sampling sa dagat kung saan itinatapon ang mga dumi mula sa piggery.

“Mag-deploy kami ng diving team doon para mag-conduct ng water sampling. Kasama na sa water sampling ay ‘yung pag-determine ng lawak ng dagat na apektado, at ‘yung quality ng seawater natin doon,” ani Encina.