Longest-running noontime show “Eat Bulaga”, mananatiling Kapuso

Mga larawan mula sa Eat Bulaga Facebook page

Mananatili ang paghahatid ng “Isang libo’t isang tuwa” sa buong bansa ng longest–running noontime show sa Pilipinas na “Eat Bulaga” matapos mag–renew ng kontrata ang pamunuan ng Television and Production Exponents (T.A.P.E.), Incorporated sa GMA Kapuso Network noong Pebrero 1, 2019.

“Sumugod–bahay” ang buong Dabarkads ng EB sa Kapuso Network sa pangunguna ng tatlong haligi nito na sina Senador Tito Sotto III, Bossing Vic Sotto, at Henyo Master Joey De Leon, na kilala rin bilang “TVJ”  upang saksihan ang pagpirma ng kontrata ng pamunuan ng dalawang kompanya.

Makikita sa larawang ibinahagi ng Eat Bulaga Facebook page na dumalo sa naturang contract signing sina GMA Chairman at CEO Atty. Felipe Gozon, Executive Vice President at Chief Financial Officer Felipe Yalong, at First Vice President of Program Management na si Joey Abacan. Naroon din ang Chairman ng TAPE, Inc. na si Antonio     “Tony ” Tuviera kasama ang Senior Vice President at Chief Operating Officer nitong si Malou Choa-Fagar

Bukod sa “TVJ”, naroon din sina Allan K, Anjo Yllana, Ruby Rodriguez, Pia Guanio, Jimmy Santos, Pauleen Luna, Ryan Agoncillo, Maureen Wroblewitz, Luane Dy, Ryzza Mae Dizon, Bae-by Baste, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Alden Richards at Maine Mendoza na mas kilala bilang “AlDub.”

Mga larawan mula sa Eat Bulaga Facebook page

Nagpapasalamat naman si Tony Tuviera sa pamunuan ng GMA-7 sa pagbibigay sa kanila ng isang tahanan upang maipagpatuloy pa ng EB ang paghahatid ng tuwa kasabay ang pagtulong sa kapwa.

“Pang 24 years na namin ngayon sa GMA-7. Nagpapasalamat kami kasi ang GMA-7 ang nagbigay sa amin ng tahanan. At hindi lang ‘yon ang binigay sa amin, binigyan pa kami ng pagkakataon na i-celebrate ang 40th anniversary namin. Kaya nagpapasalamat kami sa GMA-7,” saad ni Tuviera.

Ipinagdiriwang ng Eat Bulaga ang kanilang ika-40 anibersaryo kaya naman pakiramdam ng “TVJ” ay muli silang nag–uumpisa.

Lubos ang kanilang pasasalamat sa kanilang masusugid na mga tagasubaybay na ginawa silang kasalo sa kanilang mga hapag–kainan mula Lunes hanggang Sabado sa loob ng halos 40 taon.

Imahe mula sa Eat Bulaga Facebook page