Liquid ban sa MRT3, LRT2 tinanggal na pero may kondisyon




Imahe kuha mula sa video ng PTV

Inalis na ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT2) ang liquid ban o ang pagbabawal sa pagdadala ng mga inuming tubig at iba pang uri ng likido sa loob ng tren, ngunit may kondisyon silang hinihingi mula sa mga pasahero.

Sa ulat ng GMA, isang abiso ang inilabas ng Department of Transportation-MRT3 na nagsasabing pinapayagan na ang lahat ng mga pasahero na makapagpasok ng mga likido sa lahat ng mga istasyon nito at sa loob ng tren.

Imahe mula sa MRT3 Philippines

“Ang mga liquid item (tulad ng tubig, pabango, hand sanitizer, lotion, rubbing alcohol, atbp.) na mahigit 100ML ang volume capacity ay pinapayagan na sa aming mga istasyon at tren,” ayon sa inilabas na abiso.

Nilinaw ng MRT3 management na kailangan munang masuri o ma-verify ang anumang likido na dala ng mga pasahero.

Imahe mula sa DOTr-MRT3

Kailangan daw i-test ang mga likido sa harapan ng kanilang mga security personnel. Kung bottled drinking water ay dapat inumin, kung pabango dapat i-spray at ipahid naman kung lotion o rubbing alcohol, at iba pa.

Muli ring ipinaalala na maaari pa ring kunin ng mga pasahero ang mga nakumpiska nilang items. Kailangan lang magpakita ng identification card sa station supervisor.

Imahe kuha mula sa video ng PTV

“Ipakita lamang ang inyong ID  sa aming Station Supervisor upang makuha ang mga nasabing item,” ayon sa abiso ng DOTr-MRT3.

Ang mga unclaimed items ay idi-dispose na pagkalipas ng labing-apat na araw.

Samantala, ang liquid ban ay patuloy na pinaiiral sa lahat ng istasyon ng LRT Line 1.

Public domain image

Sinabi ni LRT-1 Corporate Communications head Rochelle Gamboa na wala pa silang natatanggap na abiso mula sa DOTr hinggil sa pagtatanggal ng liquid ban.

Hangga’t wala pang abiso, itutuloy ng LRT1 ang pagpapatupad ng liquid ban.