Konstruksiyon ng Metro Manila Subway pormal nang sinimulan




Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Ang pinakahihintay na Metro Manila Subway project – ang kauna-unahang underground railway system sa bansa –  ay pormal nang sinimulan sa pamamagitan ng ceremonial groundbreaking na isinagawa sa Barangay Ugong, Valenzuela City ngayong ika-27 ng Pebrero.

Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang seremonya, kasama ang ilan pang opisyal ng pamahalaan, Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda at mga kinatawan ng Filipino-Japanese consortium, na kinabibilangan ng Shimizu Corp., Fujita Corp., Takenaka Civil Engineering Co., Ltd. at ng locally listed firm na EEI Corp., na napiling magsagawa ng unang tatlong istasyon ng subway system.

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Bukod sa tatlong underground stations, gagawin ng consortium ang subway train depot at ang pasilidad ng Philippine Railways Institute, ang kauna-unahang educational institution para sa mga railway personnel, sa Valenzuela City.

Inaasahang magiging operational ang unang tatlong istasyon ng subway sa taong 2022 at ang full operation subway system ay inaasahan sa 2025. Ang subway system ay may habang 36 kilometro na may 15 istasyon mula sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3).

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Ayon sa DOTr, sa bilis na 80 kilometers per hour, ang biyahe mula sa Quezon City hanggang sa NAIA-3 ay aabutin  lang ng 30 minuto.

Ipinangako ni Executive Secretary Salvador Medialdea na gagawing mabilis ang konstruksiyon ng proyekto.

Aniya, “Matagal nang deprived ang mga Pilipino sa ganitong uri ng mass transit, and we will not take our sweet time. We will deliver this subway to the Filipino people as fast as we can, as well as we can, and without any whiff of corruption.”

Sa talumpati naman ni Sec. Tugade ay nagbigay siya ng mensahe sa mga  taong nagdududa sa proyekto.

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

“When we announced that we are doing the subway, many sectors did not believe. Marami hong nagduda…pati na ho ‘yung utter disbelief. Ang sabi ho nila, ‘Subway station? Drawing lang ‘yan….’ Sir, ma’am, ang subway station ay totoo at totoo at totoo,” ani Tugade.